DPA ni BERNARD TAGUINOD
KUNG talagang epektibo ang mga ayuda tulad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ay wala na sanang nagkalat na mga basura sa Metro Manila na isa sa itinuturong dahilan ng matinding pagbaha kapag umuulan.
Sa ilalim ng TUPAD program, pagtatrabahuin ang beneficiaries ng 10 araw at babayaran ng minimum kaya kung P645 ang minimum wage sa Metro Manila, sasahod sila ng P6,450 at walang buwis ‘yan ha.
Ang trabaho ng beneficiaries ay maglinis, magwalis, pulutin ang mga basura sa kanilang komunidad sa loob ng 10 araw at hindi lang isang grupo ‘yan ha, kundi maraming grupo na nagpapalitan bilang beneficiaries ng programang ito ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Napakaraming congressmen sa Metro Manila. Anim ang congressional district sa Manila, anim din sa Quezon City, dalawa sa Taguig-Pateros, dalawa sa Makati City, tig-dalawa sa Valenzuela City, Paranaque City, Pasay City at Marikina City at tig-isa sa Mandaluyong City, Navotas City, San Juan City, Malabon City, Pasig City, Las Piñas City, Muntinlupa City at tatlo naman sa Caloocan City.
Sa rami ng mga congressman na ‘yan na may ‘say’ sa TUPAD, sana ay malinis na talaga sa basura ang mga lungsod dahil meron tayong binabayaran para maglinis sa ating kapaligiran pero nagkalat pa rin ang mga basura kahit sa lugar kung saan nakatira ang beneficiaries.
Hindi naman ito nakapagtataka dahil may lumalabas na mga video na hindi talaga naglilinis ang TUPAD beneficiaries tulad ng napanood ko na ikinalat ng isang ale ang basura sa hawak nitong trash can at inatasan ang kanyang mga kasama na kunwaring winawalis nila para kunan ng larawan.
Ang larawang ito ang isusumite naman nila sa DOLE para patunayan na nagwalis sila pero nandaya lang, kaya papaano naman matutuwa ang
taxpayers na siyang nagbabayad sa mga taong ito?
Bukod sa TUPAD, inoobliga rin ang 4Ps beneficiaries na maglinis ng isang beses sa isang linggo sa kanilang barangay tulad ng mga nakikita ko sa probinsya pero bakit napakarumi at nakalat pa rin ang mga basura?
Ang taxpayers ay walong oras na nagtatrabaho pero ang beneficiaries na ito ng mga ayuda ay umaarte lang at hindi talaga naglilinis kaya hindi lang ang gobyerno nila ang kanilang dinaya kundi ang mga nagbabayad na buwis.
Hindi ko kinokontra na magbigay ng ayuda ang gobyerno pero sana naman ay hindi sila mandaya dahil nakahihiya naman sa taxpayers na siyang pinipiga ng gobyerno para sila ay matulungan.
Pero wala akong sinisisi rito kundi ang ahensya ng gobyerno na nagpapatupad ng mga programang ito dahil hindi nila pinoproteksyunan ang pera ng taxpayers para masiguro na magagamit ito sa tamang paraan.
Kasama rin sa sinisisi ko talaga ay ang mga politiko lalo na ang mga congressman dahil parang ginagamit lang nila ang ayudang ito para mas humigpit pa ang kanilang kapit sa kapangyarihan, kaya wala lang sa kanila kung mandaya man ang beneficiaries.
61
