ZAMBOANGA CITY – Umabot sa 67 kilo ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine National Police sa isinagawang hot pursuit operation na humantong sa isang palayan sa Barangay Bunguiao sa lungsod.
Ayon kay Police Major Shellamie Chang, spokesperson ng Police Regional Office-Zamboanga (PRO-9), natiktikan ng mga awtoridad ang pagbiyahe ng ilegal na droga sa coastal barangay ng Zamboanga City.
Mula rito ay isinakay ang mga kontrabando sa isang sports utility vehicle at bumiyahe palabas ng siyudad.
Nang matukoy ang sasakyang ginamit, naglatag ng checkpoint ang pulisya at Regional Drug Enforcement Unit-9 para masabat ang mga suspek.
Subalit natunugan din sila ng mga target kaya mabilis na kumaripas ng takbo ang sasakyan nang makita ang presensya ng pulisya kaya nauwi ito sa running pursuit operation.
Dumiretso sa palayan ang hinahabol na sasakyan dahilan para maaresto ang hindi pa pinangalanang driver na taga-Zamboanga City, isang babae mula sa Pagadian City, at isa pang indibidwal.
Tinatayang nasa P500 milyong halaga ng ilegal na droga ang nakuha ng pulisya, na pinakamalaki sa rehiyon.
Pinuri naman ni Brig. Gen. Eleazar Matta, PRO-9 director, ang tagumpay ng RDEU-9 at Zamboanga City police sa paghuli sa mga suspek.
Ani Matta, ang nakuhang mga suplay ng ilegal na droga ay maaaring hindi lamang sa Zamboanga City ibinibenta kundi maging sa buong Zamboanga Peninsula at kalapit na mga rehiyon.
(JESSE RUIZ)
78
