KINASAHAN ng tatlong Manila Congressmen ang hamon ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno na imbestigahan ang flood control projects sa lungsod matapos muling makaranas ng matinding pagbaha noong Biyernes dahil sa bagyong Isang at habagat.
Sa magkakahiwalay na pahayag, sinabi nina Manila 6th District Congressman Bienvenido Abante Jr., Rep. Joel Chua ng ikatlong distro at Rep. Ronaldo Valeriano ng ikalawang distrito na walang problema sa kanila ang imbestigasyon na nais ni Moreno.
“No problem with me. Maganda po yan para malaman na din natin kung ito po ang tamang solusyon sa baha,” ani Chua na chairman ng House committee on good government and public accountability na kasama sa Tri-Infra Committee na mag-iimbestiga sa flood control projects.
Gayunpaman, sinabi ni Chua na hindi lamang ang distrito nila nina Abante at Valeriano ang imbestigahan kundi lahat ng congressional district ng lungsod ng Maynila na may anim na distrito.
Ganito rin ang pahayag ni Valeriano kung saan tulad ni Chua ay dapat isabay aniya sa imbestigasyon ang ibang dahilan ng pagbaha tulad ng basura.
“Wala naman tayong tinatago. Pero ganito, pag inimbestigahan natin flood control, imbestigahan natin lahat including the garbage collection,” ani Valeriano na sinegundahan ni Chua.
Sa panig naman ni Abante, sinabi nito na lahat ng flood control projects mula noong 2019 ang dapat imbestigahan upang magkaalaman.
“Let’s look not just at the projects funded by the national government, but at the projects pursued by the local government,” pahayag ni Abante.
Unang nagsilbing Mayor ng Manila si Moreno noong 2019 at tumakbo sa pagkapangulo noong 2022 subalit natalo at noong 2025 election ay bumalik sa nasabing posisyon.
(BERNARD TAGUINOD)
