PBBM kontra korupsyon sinopla ng solon “ISOLI MO MUNA ILL-GOTTEN WEALTH NG PAMILYA MO”

“HUWAG feeling hero masyado. Tumingin siya sa salamin”.

Ganito binasag ni Kabataan party-list Rep. Rene Co ang talumpati ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Libingan ng mga Bayani kasabay ng paggunita sa National Heroes’ Day kahapon kaugnay ng panawagan nito na paigtingin ang kampanya laban sa katiwalian.

“Ninakaw ng kanilang pamilya ang kinabukasan ng libo-libong pinatay sa ilalim ng batas militar at ng sumunod pang mga henerasyon na nilubog sa utang at kahirapan dahil sa diktadurang Marcos. Simulan niya muna ang mga pangako niya sa pagsoli ng kanilang ninakaw,” dagdag pa ni Co.

Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang tinatayang P10 billion na ninakaw diumano ng ama ni Marcos na si yumaong Ferdinand E. Marcos Jr., na ilang taong isinailalim ang bansa sa batas militar.

Bagama’t may mga nabawi ang gobyerno sa pamamagitan ng Presidential Commission Good Government (PCGG) na itinatag ni dating pangulong Corazon Aquino ay mas malaki pa umano ang hindi nababawi sa nakaw na yaman ng mga Marcos.

“Si Marcos Jr. ang panibagong Paterno: mapagpanggap sa kababayan, loyal lang sa dayuhang kapangyarihan. Mas mabilis pa niyang i-commit ang pagsuko sa ekonomiya at kasarinlan natin sa U.S., kaysa i-commit ang nakabubuhay na sahod sa mga manggagawa. Villains now play as heroes, while the real heroes are left hungry, and worse even red and terror tagged into villains,” ayon pa kay Co.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil bukod sa paglabag sa katiwalian ay inihahanda umano nito ang susunod na henerasyon para idepensa ang kalayaan ng bansa.

“Negosyo o kalayaan? Malinaw na ang pinili ni Marcos. Kaya hamon sa kabataan na basagin ang siklo. Piliin lagi ang kapwa inaapi. Maglingkod nang walang kapalit, banggain man ang nasa kapangyarihan, hanggang mawakasan ang sistema na inanak noon pang panahon ni Rizal ng mga mananakop na dayuhan,” ayon pa sa bagitong mambabatas.

Ituloy ang Laban

Samantala, bilang pagkilala sa sakripisyo ng mga bayani, hinikayat ng lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang sambayanang Pilipino na ipagpatuloy ang laban sa katiwalian, kawalang-katarungan at pagwawalang bahala.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, isang uri ng pagtataksil sa mga sakripisyo ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para makamit ng bansa ang kalayaan mula sa mga mananakop, kung pababayaan ng mga Pilipino na manatili ang korupsyon, kawalan ng katarungan sa bansa.

“We remember that freedom was never given to us lightly. It was fought for, defended, and won through the blood, sweat and tears of those who came before us. That is why we cannot allow corruption, injustice or indifference to undo the gains our heroes secured. To do so would be a betrayal of their memory,” mensahe ni Romualdez sa National Heroes day kahapon.

Iginiit din nito na hindi lamang ang malalaking personalidad ng kasaysayan ang dapat gunitain kundi maging ang mas nakararaming Pilipino na hindi kilala subalit tahimik na nagsakripisyo para sa kalayaan ng bansa.

“On National Heroes Day, we honor not only the great figures of our history but also the countless Filipinos whose quiet sacrifices made our freedom possible. Their courage is a constant challenge to us in public service to place country above self,” ayon pa rito.

Sa Kamara aniya, patuloy na gagawa ang mga ito ng batas na makatutulong para maingat ang mga tao sa kahirapan, pagpoprotekta sa mga manggagawa at magsasaka at maging ang soberanya ng bansa.

Bukod dito, dapat ding kilalanin aniya ang kabayanihan ng mga sundalo, mga guro, health workers at mga ordinaryong mamamayan na nagsasakripisyo para sa bayan sa panahong ito at maging sa hinaharap.

(BERNARD TAGUINOD)

65

Related posts

Leave a Comment