THESIS SA PRESYONG LIMANG LIBO

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

MAINGAY ang usapan online lalo na sa X tungkol sa isang content creator na tinatawag ang sarili niysang “Your Thesis Bestie.” Hayagan niyang sinabi na nag-aalok siya ng serbisyo para gumawa ng thesis. Kapalit ng limang libong piso, ginagamit niya ang ChatGPT para buuin ang mga research paper ng mga estudyante. May mga video pa siyang ipinakikita kung paano niya ito ginagawa. May mga natawa, marami ang nagalit, at karamihan ay nagsabing hindi ito tama. Sumasang-ayon ako roon.

Ipinagmamalaki rin niya na siya ay cum laude graduate mula sa Cavite State University, may kursong Bachelor of Science in Business Management major in Financial Management. Mas lalo itong nagiging masalimuot dahil kung sino pa ang may Latin honor ay siya pang nagbebenta ng proseso ng paggawa ng thesis. Para sa akin, parang ipinagkanulo niya ang mismong institusyong nagbigay sa kanya ng pagkilala.

Kapag may estudyanteng hayagang umaamin na umaasa sila sa generative AI para matapos ang kanilang thesis, nawawala ang tunay na kahulugan ng pagkakaroon ng degree. Ang diploma ay dapat patunay ng sipag, disiplina, at kritikal na pag-iisip. Pero paano kung iba ang gumawa ng trabaho? Guguho ang academic integrity. Para bang ang edukasyon ay hindi na paglalakbay ng pagkatuto kundi isa na lamang transaksyon. Magbabayad ka, may papel kang matatanggap, at aalis na may diploma.

Nakalulungkot dahil hindi ito bago. Marami na talagang nakakikita sa thesis bilang simpleng sagabal sa graduation. Isang requirement lang na kailangang matapos at hindi pagkakataon para matuto. Imbes na pahalagahan ang proseso, mas pinipili ng ilan ang madaling daan. Ang mga thesis-for-hire, kahit AI-assisted pa o hindi, ay patunay na lumalalim ang ganitong pagtingin. Nagiging paninda na lang ang research at hindi na gawain para tumalas ang isipan.

Pero baka may bahagi rin ang sistema sa problemang ito. Madalas na tinitingnan ng mga paaralan ang thesis bilang sukdulang bahagi ng pag-aaral. Sa paraan ng pagtuturo, napipilitang gumawa ang mga estudyante ng paulit-ulit na chapter one hanggang five na parang pabrika, sa halip na totoong pagtuklas. Nagiging produkto ang papel at hindi personal na paglalakbay. Kaya hindi nakapagtataka kung ituring ito ng iba bilang malaking pabigat.

Naniniwala pa rin ako na may halaga ang hirap ng paggawa ng thesis. Alam ko ang puyat, paulit-ulit na rebisyon, at datos na nakalilito. Pero sa bawat paghihirap, may natututunan. Nahahasa tayo sa paghahanap ng mapagkakatiwalaang sanggunian, sa pagtatanong ng tamang tanong, at sa pagbubuo ng matibay na argumento. Tumatalas ang ating kritikal na pag-iisip. Ang mga aral na ito ay dala pa rin kahit matapos ang depensa.

Kaya nakababahala kapag ginagamit ang AI para siya mismo ang gumawa ng thesis. Nalalaktawan ang pinakamahalagang bahagi ng proseso ng pagkatuto. Hindi ako tutol sa AI. Sa totoo lang, nakatutulong ito kung gagamitin nang tama. Maaari itong gumawa ng practice questions, buodin ang mahahabang binabasa, o magsilbing katuwang sa debate. Pero kapag ang AI na ang mismong gumagawa ng papel at ikaw ay nag-aangkin ng kredito, hindi iyon pagkatuto. Iyon ay pandaraya. Lalong masama kapag ginagawa pa itong negosyo.

Tapos nagtatanong tayo kung bakit may krisis sa edukasyon. Baka ito na ang kasagutan. Kung tinitingnan natin ang research bilang bagay na ipagagawa na lang, kung ang pag-aaral ay checklist lang, patuloy tayong magkakaroon ng mga graduate na may diploma pero kulang sa napag-aralan. Panahon na para balikan ang tunay na layunin ng thesis, hindi bilang parusa kundi bilang pagkakataon na matuto at lumago.

Anong klaseng graduate ba ang nililikha natin kung mas pinahahalagahan ang madaling daan at kumikita pa ang iba mula sa pandaraya? Hangga’t hindi natin sineseryoso ang kahalagahan ng research, mananatiling sistema ito na pinapaboran ang bilis kaysa lalim, at kaginhawaan kaysa karakter. At iyan ang mas dapat nating ikabahala kaysa anomang puyatan na dala ng paggawa ng thesis.

39

Related posts

Leave a Comment