Totoong Serbisyong Isko sa Mamamayang Manilenyo (Part 1)

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

BAHA, mainstay na ‘yan sa Maynila, pero hindi gaanong nagtatagal, ‘di tulad sa ibang lungsod sa Metro Manila – at ang dahilan:

May gobyerno sa city hall, ‘yung Yorme roon, hindi nag-uutos lamang sa de-aircon na opisina niya – siya mismo, lumulusong sa baha – ang alkalde, kasama sa nagkakalkal at nag-aalis ng dumi, kalat at basurang bumabara sa kanal at imburnal.

Oo, tama ang kantyaw ng iba, si Isko Moreno raw ay pabida, maingay, magalaw, kung minsan, pigil ang sarili, paimpit na sumisigaw.

May resulta naman, may aksyong solusyon naman, may resibo na maipakikita, sa bawat galaw, may kapalit na ginhawa sa mamamayan.

Nitong nakaraang pagbaha, umaksyon si Yorme Isko na magbigay ng libreng sakay sa mga tao, sa mga estudyante; inapura ang mga ospital, klinika at barangay health center na agad-agad, magbigay ng tulong,

libreng gamot, lalo na sa mga dinapuan ng sakit – lagnat, pulmonya, at panlaban sa leptospirosis na nakamamatay na virus na dala ng mikrobyong mula sa ihi ng daga na nasasama sa baha.

Kung ‘yung ibang siyudad at bayan ay ilang araw na nagmimistulang dagat, hindi ang Maynila na kahit mababang lugar at bahain talaga, kasi bilis-kilos ang buong pwersa ng DPS, DEPW, MTPB, MDSW, MHC, MDRRMO at iba pa, kasama ang barangay, kaya hindi nagtatagal ang baha.

Bully raw si Isko, iyak ng isang kongresman, kasi ibinisto ang palpak at mapanganib na infra na barangay hall na itinayo sa mahigit lang dalawang dipang lapad sa mismong bangketa.

Walang permit, walang pakialam sa kaligtasan ng mga pedestrian, lalo na sa mga estudyante na kailangang mismong sa kalye maglakad, kasi malaking obstruction ang barangay hall – na ginastusan ng P19-milyon!

Dapat lang i-bully at bulyawan, kung maaari lamang ay pisikal na sakalin at batukan ang mga ganitong public servant na feeling Hari sa distrito niya, at walang pakialam sa city government.

Naghahanda na, balita natin ng mga kasong criminal laban sa mambabatas na ito, na marami pa palang proyekto na kahit ang city government properties ay ipinabuwag, na pakiramdam niya, siya ang Mayor ng Maynila.

Iba mag-gobyerno si Yorme Isko: direkta sa tao, kapado ang puso at isip ng taong Maynila, kasi mula sa pusod ng mahirap na lugar sa Tondo siya isinilang, maagang nakita ang buhay-mahirap, lumaking basurero, kargador, lumaki sa pagkain ng pagkaing pagpag, at pinalad na maging artista, nagsumikap na matuto, matiyagang nag-aral at nang umasenso, nagbabalik ng sukli sa mamamayang nais din niyang magkaroon ng ginhawa sa buhay.

Maingay nga siya, pero kailangan, lalo na at ang iniingayan ay ang mga opisyal ng bayan na ang intensyon ay sariling interes at mapagmapuring kahambugan.

Magtatayo ng building iyong kongresista na nakaukit sa pader ang kanyang pangalan, ipinagyayabang na siya ang may gawa ng istruktura na para bang pera niya ang ipinondo sa pagawaing-bayan.

So, kapal ng mukha, so kupal! (May karugtong)

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

76

Related posts

Leave a Comment