Kailangan seryoso, may resulta LIFESTYLE CHECK DAPAT IPATUPAD NG ‘FOCUSED UNIT’

UPANG maging makatotohanan ang lifestyle check, kailangang magtatag ang gobyerno ng isang unit na magpopokus sa pag-iimbestiga kung ang karangyaan na tinatamasa ng mga opisyal ng gobyerno ay galing sa katiwalian.

Ito ang mungkahi ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima kasunod ng ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na lifestyle check sa government officials.

Ginawa ni Marcos ang kautusan sa gitna ng anomalya sa flood control projects kung saan unang isinailalim sa lifestyle check ang mga empleyado at opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Kailangan bumuo ng isang focused unit—mga investigators, mga auditors, na alam talaga kung paano magsagawa ng seryosong lifestyle check,” ayon kay De Lima.

Titingnan aniya ng “focused unit’ ang mararangyang bahay, maluluhong pamumuhay ng public officials at ikukumpara ito sa kanilang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN).

“Kapag malaki ang bahay, maluho ang buhay, red flag yan!,” ayon sa dating secretary ng Department of Justice (DOJ).

“Dapat yang lifestyle check na yan, seryoso, malalim. Higit sa lahat, dapat may resulta!” ayon pa sa mambabatas dahil kung hindi ay walang matatakot sa anti-corruption campaign ng gobyerno.

Samantala, iginiit naman nina Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na hindi lamang ang ehekutibo ang dapat isailalim sa lifestyle check kundi maging ang lehislatura at hudikatura.

Kasama rito ang mga kongresista, senador, maging ang mga empleyado ng judiciary tulad ng mga hukom hanggang sa mga mahistrado ng Korte Suprema.

Ang lifestyle check ay isang imbestigasyong isinasagawa upang masuri kung ang pamumuhay ng isang opisyal ng gobyerno ay naaayon sa kanyang kinikita at opisyal na idineklarang ari-arian sa kanyang SALN. Karaniwang tinitingnan dito ang luxury properties, sasakyan, mga biyahe, at iba pang gastusin na maaaring indikasyon ng hindi makatarungang yaman.

Noong nakaraang administrasyon, nagsagawa rin ng lifestyle check ang Department of Justice (DOJ), Civil Service Commission (CSC), at Office of the Ombudsman, ngunit madalas itong nababatikos dahil sa kakulangan ng malinaw na resulta at usapin sa transparency. Dahil dito, nananawagan ngayon ang ilang mambabatas ng mas organisado at institusyonalisadong mekanismo upang epektibong maipatupad ang hakbang laban sa korupsyon.

(BERNARD TAGUINOD)

56

Related posts

Leave a Comment