REGULASYON KAYSA TOTAL BAN KONTRA SUGAL

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MADALING sabihin na solusyon ang total ban sa online gambling. Pero sa totoo lang, kapag isinara ang legal platforms, hindi naman titigil ang tao sa pagsusugal. Lilipat lang sila sa ilegal—at mas mapanganib pa.

May panukala kasing ipagbawal na lang ang lahat ng online gambling sa bansa.

Pero, ayon nga sa CitizenWatch Philippines, hindi total ban ang sagot kundi maayos na regulasyon at mas mahigpit na laban sa illegal online gambling. Para sa convenor ng grupo na si Orlando Oxales, maraming Pilipino ang tingin sa sugal ay libangan kaya malayong mahinto ang ganitong gawain.

Kung tutuusin, matagal na nating problema ang ilegal na sugal tulad ng jueteng, masiao at underground casinos. Pero noong nagkaroon ng regulasyon sa online gaming, naging mas maayos ang sistema: nababantayan ang operasyon, at may kinikitang buwis ang gobyerno. Ang datos pa nga ng PAGCOR ay nagpapakita na halos kalahati ng kita nila ay galing sa regulated platforms.

Malinaw na may benepisyo ang pagkakaroon ng legal na online gambling kaysa hayaan itong maging underground lang.

Tulad ng binigyang-diin ni Atty. Marie Antonette Quiogue ng Arden Consult, ang tunay na dapat tutukan ay ang mga illegal operator. Sila ang agresibo, sila ang walang pakialam sa age verification, at sila ang mas nakapipinsala lalo na sa kabataan. Kaya imbes na total ban, mas makabubuti na palakasin ang regulasyon at ang suporta sa legal platforms. Sa ganitong paraan, may proteksyon ang manlalaro at may buwis pang napupunta sa mga serbisyo ng gobyerno.

Sa madaling sabi, hindi solusyon ang total ban. Ang mas kailangan ay mahigpit na enforcement, malinaw na regulasyon, at mas malakas na laban sa mga ilegal. Doon lang talaga makakamit ang balanse sa pagitan ng proteksyon sa tao at benepisyo para sa ekonomiya.

55

Related posts

Leave a Comment