PALIT-LIDER, PALIT-TAO SA KAMARA: VELASCO OUT, GARAFIL IN

TINANGGAL na rin sa puwesto ang Secretary General ng Kamara na si Reginald Velasco matapos magbitiw bilang Speaker si Leyte Rep. Martin Romualdez noong nakaraang linggo.

Sa plenaryo kahapon, idineklara ni Deputy Speaker Janette Garin na bakante ang posisyon matapos hilingin ni House majority leader Sandro Marcos. Walang tumutol sa mga kongresista kaya agad itong inaprubahan.

Kasunod nito, inirekomenda ni Marcos si dating PCO Secretary Atty. Cheloy Garafil bilang bagong Secretary General. Tulad ng inaasahan, wala ring kumontra at agad na inihalal si Garafil.

Matapos ang botohan, nanumpa si Garafil kay bagong House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa plenaryo bilang kapalit ni Velasco.

Si Velasco ay nagsilbing Secretary General mula nang maupo si Romualdez bilang Speaker noong 2022, at muling nahalal sa posisyon noong Hulyo 28, 2025. Tradisyon na sa Kongreso na kapag napalitan ang Speaker, kasamang natatanggal ang Secretary General na itinalaga nito upang bigyang-daan ang tao ng bagong liderato.

(BERNARD TAGUINOD)

50

Related posts

Leave a Comment