NAKIPAGPULONG si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa mga miyembro ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) para talakayin ang mga hinaing sa kalakalan at palakasin ang kooperasyon ng Aduana at pribadong sektor.
Pinuri ni FFCCCII President Victor Lim si Nepomuceno at nagpasalamat sa pagkakataon na direktang makaharap ang pamunuan ng Customs. Giit ni Lim, mahalaga ang bukas na talakayan at sabayang pagkilos para sa mas maayos na kalakalan.
Muling tiniyak ni Nepomuceno ang commitment ng BOC sa transparency at reporma. Aniya, prayoridad ang full digitalization ng operasyon para mas mapabilis ang serbisyo at maiwasan ang anomalya.
“A lot of corruption issues are all over the news, ayokong maisama d’yan ang Bureau of Customs during my time. So, tulungan niyo akong maayos ang Bureau of Customs – changes that we can do within my power, we will do that,” pahayag ng komisyoner.
Kasabay nito, binigyang-diin ng BOC ang pagpapatupad ng “No Take” policy, ang landmark Anti-Conflict of Interest Policy, at mas istriktong disclosure rules para hindi na maulit ang mga modus sa Aduana.
Ayon sa BOC, ang pakikipag-ugnayan ni Nepomuceno sa mga negosyante ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang revenue collection at itaguyod ang good governance bilang pundasyon ng ekonomiya.
(JESSE RUIZ)
