INIULAT ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon na tatlo na ang nasawi sa pananalasa ng Tropical Depression Mirasol, Super Typhoon Nando, at southwest monsoon.
Batay sa situation report, dalawa ang namatay sa Central Luzon at isa sa Cordillera Administrative Region (CAR). Siyam ang sugatan habang lima ang patuloy na pinaghahanap. Hindi pa kasama rito ang iniulat na pagkamatay ng isang matandang biyahero mula Tarlac na nadaganan ng gumuhong lupa nitong Lunes.
Isa ring pasahero mula Pasig City ang isinugod sa Saint Louis University Hospital matapos masaktan nang mabagsakan ng gumuhong lupa sa Marcos Highway papuntang Baguio. May iba pa ang dinala sa Baguio General Hospital matapos tamaan ng rumaragasang putik at bato mula sa bundok.
Ayon sa NDRRMC, mula Setyembre 16, nasa 35,264 pamilya o 123,142 katao na ang naapektuhan ng masamang panahon. Sa kasalukuyan, 13,431 indibidwal ang nasa evacuation centers habang mahigit 1,300 pamilya ang nakikituloy sa ibang lugar.
Nagresulta rin ang mga bagyo sa pagbaha at landslide sa Ilocos, Cagayan Valley, CAR, Central Luzon, Metro Manila, Mimaropa, at Bicol. Nasira ang 66 na kalsada, 26 tulay, at 28 bahay, habang 49 bayan at lungsod ang nawalan ng kuryente. Kanselado rin ang biyahe sa ilang pantalan at paliparan.
Kahapon ng umaga, inanunsyo ng PAGASA na nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Super Typhoon Nando (international name: Ragasa). Gayunman, nananatiling nasa ilalim ng Signal Nos. 1 hanggang 3 ang ilang bahagi ng Hilagang Luzon dahil sa malalakas na ulan at hangin.
Bukod dito, binabantayan din ang bagong tropical depression na namuo mula sa isang low-pressure area sa labas ng PAR.
Ayon sa PAGASA: “Magdadala din po ito ng matinding ulan… may posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.”
(JESSE RUIZ)
