SANA BUMILIS NA ANG DISTRIBUSYON NG BALIKBAYAN BOXES

RAPIDO ni PATRICK TULFO 

PATULOY na dumarami ang mga naaabandonang balikbayan boxes sa iba’t ibang ports ng Bureau of Customs.

At ang pinakabago ay ang Makati Express Cargo na siyang pinakamaraming naabandonang mga container so far.

Ito ay umaabot sa animnapung (60) containers at kung ating isasama sa kalkulasyon ang laman ng bawat containers na 290 kahon hanggang 300 na kahon sa isang 40-footer, ito ay aabot sa mahigit kumulang sa 17,400 na kahon. Ang dalawampu’t limang Tag Containers na kasalukuyang inihahatid na ngayon sa mga may-ari ay mayroon lamang na 7,250 na kahon na maliit lamang kumpara sa mga inabandona ng Makati Express Cargo.

Sa talaan ng Bureau of Customs, inamin ng ahensiya na mas dumami ang bilang ng mga naaabandonang mga container ngayon kumpara noon bago magkaroon ng pandemya.

At dahil nga lumaki na ang bilang ng mga naabandonang balikbayan boxes ay napuwersa na ang BOC na humingi ng tulong sa Department of Migrant Workers (DMW) para sa distribusyon ng mga ito dahil ang balikbayan boxes ay padala ng mga ating mga kababayang overseas Filipino workers (OFWs) at sila nga ay nasa ilalim ng DMW.

Ilang beses namang humingi ng paumanhin sa mga apektadong OFWs ang DMW sa mabagal na aksyon sa problema. Dahil ito palang daw ang pinakaunang pagkakataon na nakahawak ng ganitong kalaking problema ang ahensiya.

Pero umaasa po tayo na mas bibilis na ang distribusyon ng abandoned balikbayan boxes, dahil nasimulan na ito at mayroon nang sistemang sinusunod.

Nanghihinayang din tayo sa pagkakataon na ibinigay sa OFW Party-list upang makagawa ng hakbangin sa problema sa pamamagitan sana ng pagbuo ng batas ukol dito.

Pero hindi pinagtuunan ng pansin, ang resulta ay hindi na nanalo nitong nakaraang halalan ang OFW Party-list dahil na rin siguro nawalan na ng gana sa kanila ang sektor na kanilang nirerepresenta na OFWs.

77

Related posts

Leave a Comment