ISINIWALAT ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na pinag-iisipan na umano ng isang miyembro ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) na mag-resign na lamang sa kawalan ng mga ito ng sapat na kapangyarihan sa pag-iimbestiga sa flood control projects.
Sa kanyang privilege speech kahapon, iginiit ni Erice na kailangang maipasa ang House Bill (HB) 4453 na layong magtatag ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) upang mabigyan ng mas malakas na kapangyarihan ang ICI bago iwanan ng mga miyembro nito ang kanilang trabaho.
“I spoke to a member of the ICI, and he intimated to me that without contempt powers, we might as well just task the NBI and the Ombudsman to do the investigation. Hingin natin na i-certify ito as urgent at kung kailangan magpatawag ng special session ay gawin ito,” ani Erice.
Hindi na nagbanggit ng pangalan ang mambabatas subalit tatlo lamang ang miyembro ng ICI na kinabibilangan nina retired Supreme Court Associate Justice Andres Reyes Jr., dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson at accountant na si accountant Rossana Fajardo.
Ang ICI ay itinatag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para imbestigahan ang malawakang anomalya sa flood control projects kung saan, bukod sa mga opisyales ng DPWH ay nadadawit din ang ilang mambabatas tulad nina dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, dating House Speaker Martin Romualdez at iba pa.
“Minumungkahi ko po na magpasa tayo sa lalong madaling panahon ng isang batas na magpapalakas sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na nilikha ng Pangulo upang magkaroon sila ng mas malawak na kapangyarihan,” ani Erice.
Kung gugustuhin aniya ng Kongreso, maaari nilang isantabi ang kanilang nakatakdang bakasyon mula sa susunod na linggo hanggang matapos ang Undas upang maipasa ang mahalaga aniyang panukalang batas na ito.
(BERNARD TAGUINOD)
