NAGBABALA ang Muntinlupa City Health Office (CHO) sa publiko hinggil sa influenza-like illness (ILI), isa sa mga pangunahing dahilan ng pagsuspinde ng klase ngayong Oktubre 13 at 14 sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang ILI ay isang acute respiratory illness na may lagnat na higit o katumbas ng 38°C at ubo, na nagsimula sa loob ng nakaraang 10 araw.
Sa inilabas na advisory, ipinaliwanag ng Muntinlupa CHO na madaling kumalat ang ILI mula sa tao patungo sa tao sa pamamagitan ng hangin (ubo o bahing) o sa mga kontaminadong bagay.
Kabilang sa mga karaniwang sintomas nito ang pananakit ng lalamunan, sipon, pananakit ng ulo, panginginig, pananakit ng katawan, panghihina, pagsusuka, at pagtatae.
Pinayuhan ng CHO ang publiko na maghugas ng kamay nang madalas, takpan ang bibig at ilong kapag umuubo o bumabahing, umiwas sa mataong lugar kapag may sintomas, at magpabakuna laban sa influenza.
“Kung nakakaramdam ka ng mga sintomas ng trangkaso o katulad nito, agad na magtungo sa pinakamalapit na health center,” paalala ng Muntinlupa CHO.
(CHAI JULIAN)
63
