MAHIGIT labinlimang porsyento (15%) lamang ng mga kumuha ng Civil Service Examination (CSE) ang pumasa, ayon sa Civil Service Commission (CSC).
Sa inilabas na anunsyo ng komisyon kahapon, 50,096 sa kabuuang 302,028 examinees ang nakapasa sa Career Service Examination – Pen and Paper Test (CSE-PPT) na isinagawa noong Agosto 10, 2025 sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon sa datos ng CSC, 45,730 o 15.14% ang pumasa sa Professional Level, habang 4,366 lamang sa 29,647 examinees ang pumasa sa Subprofessional Level.
“We congratulate all passers of the August 2025 examinations. Passing the CSE is a significant step toward a career in public service, and we hope that this achievement inspires more Filipinos to join the civil service,” pahayag ni CSC Chairperson Marilyn Barua-Yap.
Idinagdag ni Yap na makikita ang resulta ng pagsusulit sa opisyal na website ng CSC, kung saan maging ang mga hindi nakapasa ay maaaring i-check ang kanilang scores sa pamamagitan ng examination results widget. Pinayuhan din ang mga examinees na ihanda ang kanilang Examinee Number dahil walang ipadadalang report of rating sa pamamagitan ng koreo.
Simula Nobyembre 18, 2025, maaaring kunin ng mga pumasa ang kanilang Certificate of Eligibility (CoE) sa regional o field office ng CSC kung saan sila kumuha ng exam.
Nilinaw ng CSC na walang bayad sa pagkuha ng CoE. Kailangan lamang magpakita ng valid ID tulad ng driver’s license, passport, PRC ID, SSS o GSIS UMID, voter’s ID, postal ID, PhilHealth ID, company ID, school ID, barangay ID, NBI clearance, police clearance, senior citizen’s ID, o PhilID.
(BERNARD TAGUINOD)
74
