KARAPATAN DIN NG ESTADO NA IPAGTANGGOL ANG SARILI

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

KARAPATAN din ng estado na ipagtanggol ang sarili sa mga tao o pangkat na nais itong ibagsak.

Meron na naman nagtanong: Ano raw ba talaga ang tamang approach o strategy laban sa hindi mapigilang paggawa, pag-importa at pagbebenta ng ilegal na droga?

May mga weird o nakapangingilabot na mungkahi tulad na ‘yun daw nakukumpiskang illegal drugs ay ibalik sa kalsada, haluan ng lason, cyanide o ng kamandag ng ahas, para mapatay na ang mga adik.

Kung makapaghahasik ng takot sa mga sugapa, matitigil na ang pagsinghot at pagtikim ng bawal na gamot.

Ipataw ang death penalty — agad ipatutupad ‘pag nahatulang guilty ang akusado, lalo na kung ang kasangkot ay law enforcers, taong gobyerno, at kung dayuhan, tulad ng ginagawa sa Middle East countries at sa China, isa o dalawang linggo lang na maikulong matapos ang final judgement, sa harap ng publiko, pasabugin ang bungo nang hindi tularan at maging sampol sa narco-traffickers.

Ang problema, tiyak kokontra rito ang Simbahan at siyempre ang mga nakikinabang sa multi-bilyong droga at kung may magpapanukala sa Kongreso at Senado, tiyak na magpapabaha ng paldong salapi upang kontrahin ang ganitong “marahas” na parusang kamatayan.

Sinubukan na kasi ang apat na hakbang — prevention o pagpigil sa krimeng ito; may ginawa pang pagsasama-sama ng iba’t ibang ahensya ng PNP-PDEA, PNP, korte at mga samahang sibiko para labanan ang narco-trafficking at narco-politics pero naririto pa rin ang salot na ito.

Treatment o rehabilitation, ginawa na rin, pati ang malupit na enforcement (dito ay may mga kasong hinaharap si dating Presidente Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC) dahil daw sa extra judicial killings o murder sa mga “inosenteng” tulak, adik at iba pa, pero wala raw naman nahuhuling bigtime narco traffickers.

E, asan ba ang mga put!*?$# mga ito, nasa abroad, nakatago sa de-bakod, naguguwardiyahang village at ang paratang, may mga padrinong politiko, law enforcers, piskal, judge at may kasapakat sa media.

Ano nga ba ang tamang approach, mga bossing?

***

Sa kabila ng mga pagpaslang sa ilan sa mga kapatid natin sa hanapbuhay noon at ngayon sa panahon ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nananatili pa ring maalab, masigla ang tapang ng marami sa mamamahayag sa pagbatikos sa maraming kabulukan sa gobyerno at mga pribadong tao o kompanya na nagpapahirap sa taumbayan.

Maraming grupo ng mamamahayag ang nagsabi na napakaliit na porsyento lang ang nahatulan sa mga suspek sa pagpatay sa mga mamamahayag.

May paniniwala naman na marami sa mga pagpatay sa journalist ay hindi dahil lang sa may inupakan o may kaugnayan sa trabaho, anila, posible mga personal na dahilan.

Bagaman, marami sa pagpatay na naisampa sa hukuman ay makikitang may kinalaman nga sa trabaho ng kapwa natin mamamahayag na biktima ng kalupitan ng mga politiko o mga taong may kapangyarihan sa gobyerno.

Dahil sa ganitong sitwasyon, nagiging mahirap, matagal ang paghahanap ng katarungan para sa mga biktima at kanilang pamilya.

Kaya uulitin ko at ilang ulit ko nang tinalakay ito, dear readers, sa mga igan natin na nagtanong, hindi para sa mahihina ang puso, walang matatag na tibay ng kalooban at tapang ang propesyon ng pamamahayag.

At ika ko, kaya may nangyayaring ganoong pananakot at kaso ng pagpatay ay mayroon kasi ilang kapatid sa propesyon ay hindi propesyonal, masasabing abusado nga at hindi batid o walang pakialam sa kakabit na responsibilidad sa paghahayag ng opinyon at pagbabalita.

‘Yung iba kasi sabi ko ay iresponsable talaga, hindi parehas at mahilig pang gamitin ang power of the press sa katiwalian.

Banat na lang kasi nang banat, kahit alam na hindi totoo, kasinungalingan ang isinusulat, at ang paniniwala sa sarili, sila ay may kapangyarihang itaas at ibagsak ang dangal at integridad ng biktima ng iresponsableng pamamahayag.

Sa mga nakausap ko, na ‘old timers’ nananatili pa rin ang freedom of the press, of expression sa bansa, at naaabuso pa nga ang kalayaang ito.

Tanging sa panahon ng martial law noong 1972, sabi ng old guardians of the press, nakaranas sila ng pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag.

Siyempre kung masyado kang kritikal sa gobyerno at nagkakalat ng kasinungalingan ang isang print at broadcast media, may karapatan ang Estado na ipagtanggol ang sarili nito sa mga tao o pangkat na nais itong siraan at ibagsak.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

80

Related posts

Leave a Comment