LTFRB CHAIR MENDOZA, TRANSPORT LEADERS NAGPULONG PARA SA MAS MAAYOS NA SISTEMA

NAKIPAGPULONG si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II sa mga transport operator na pinangungunahan ni Obet Martin, Presidente ng Pasang Masda, noong Oktubre 14, 2025, sa Quezon City. Layunin ng pagpupulong na pakinggan ang mga hinaing, talakayin ang mga mungkahi, at bumuo ng mga konkretong hakbang para mapabuti ang kalagayan ng mga operator at mapaayos pa ang sistema ng pampublikong transportasyon.

Sa pulong, muling tiniyak ni Chairperson Mendoza ang kanyang pangako na paigtingin at paikliin ang proseso ng pag-aasikaso ng mga dokumento ng mga operator upang maging mas mabilis, episyente, at maginhawa ang serbisyo ng ahensya. Binigyang-diin din niya na patuloy ang LTFRB sa pagsusulong ng reporma tungo sa maayos at makataong serbisyo para sa lahat ng nasa sektor ng transportasyon.

Ipinunto ni Mendoza na ang lahat ng inisyatibo ng LTFRB ay alinsunod sa direktiba ng Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Atty. Giovanni Lopez at sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkaroon ng makabago, episyente, at maayos na sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa.

“Mabilis makinig, mas mabilis sa serbisyo, at handang tumugon sa bawat problema para sa ikabubuti ng lahat,” ayon kay Mendoza, na nagpahayag ng buong suporta sa mga transport group sa gitna ng patuloy na modernisasyon at pagbabago sa sektor.

(DANNY QUERUBIN)

59

Related posts

Leave a Comment