WASTE-TO-ENERGY PROJECT ISINUSULONG SA BULACAN

ISINUSULONG ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang pagtatayo ng Waste-to-Energy facility na siyang nakikitang isa sa pangunahing makatutulong at solusyon upang maibsan ang problema sa pagbaha.

Sa ginanap na Bulacan Environment Summit nitong Biyernes, Oktubre 17 sa Hiyas ng Bulacan Convention Center, detalyadong inilatag ang mga agaran at pangmatagalang hakbangin para sa seryosong paglilinis ng kapaligiran at sistematikong pagkolekta ng basura na siyang magbabawas sa suliranin sa pagbaha sa lalawigan.

Ito ay pinangunahan nina Governor Daniel Fernando, Vice Governor Alex Castro kasama si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Regional Executive Director Ralph C. Pablo, na kumakatawan kay Secretary Raphael PM. Lotilla, sa pakikipagtulungan ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Provincial Administrator’s Office at Provincial Planning and Development Office.

Ayon kay Pablo, ang pagbaha at polusyon ay hindi lamang problema ng engineering at polisiya, ngunit ng pag-uugali at pakikiisa rin ng lahat.
“It is the duty of every household, barangay, and office to ensure the waste is managed appropriately, and that our rivers and waterways are free of trash. Remember, waste starts and ends in our homes,” dagdag niya.
Sa nasabing environment summit ay unang inilatag ni Fernando ang pagsasakatuparan ng waste-to-energy facility sa lalawigan kung saan 90% ng mga basura ay gagawing kuryente hanggang 75 megawatt (MW) at ito ay direktang bibigyan ng technical assistance mula sa DENR.

Bago ito ay nagkaroon ng presentasyon ang Phil Ecology Systems Corp. (PhilEco) kaugnay ng epektibo at kapakipa-kinabang na idudulot ng pagtatayo ng waste-to-energy facility sa lalawigan para sa maayos na pamamahala ng basura sa Bulacan na siyang ikinonsidera ng gobernador.

Sa kanyang bahagi, inilatag ni Fernando ang mga konkretong hakbang na Pamahalaang Panlalawigan upang wakasan ang deka-dekadang problema sa pagbaha ng lalawigan kabilang ang malawakang dredging kasama ang TCSC Corporation sa Angat river, sa mga ilog sa Lungsod ng Malolos, Hagonoy, Guiguinto, at Bulacan offshore; river restoration at dredging projects; Bulacan Bulk Water Supply Stage 3; Bayabas Small Reservoir Irrigation Project; at ang integrated water reservoir system sa lahat ng programang pangkaunlaran ng lalawigan.
“Ito na ang panahong hindi na tayo manonood lamang habang unti-unting nilalamon ng baha ang ating mga tahanan, habang tinatambakan ng basura ang ating mga ilog, habang ninanakaw ng katiwalian ang kinabukasan ng ating mga anak. Tayo na mismo ang kikilos, magbabago, at magsasakatuparan ng ating mga adhikain,” anang gobernador.

Nabatid na nangungunang kategorya sa issue ng sanhi ng pagbaha sa lalawigan ay ang mga baradong drainage system, kasunod nito ay ang lack of integrated flood control, increased flood risk in low-lying, deforestation and watershed loss, weak disaster risk reduction management at lack of community awareness and participation.

Kabilang din sa inilatag ni Fernando ay ang pagsusulong ng Manila-Bataan Road and Megadike Project na magkukulong sa latian ng Bulacan mula Meycauayan hanggang Calumpit at pipigil sa hightide, na inendorso kamakailan ng Regional Development Council (RDC).

Inapela ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng tatlong gobernador na sina Fernando, noo’y Gov. Dennis Pineda ng Pampanga at Gov. Enrique Garcia III ng Bataan na ikonsidera ng pangulo at agarang isakatuparan.

Dumalo rin sa pagtitipon ang mga punong bayan at lungsod sa pangunguna ni Bulacan League of Municipalities president Bocaue Mayor Eduardo Villanueva Jr., Pandi Mayor Enrico Roque, Reynante Bautista ng Angat, Glorime Faustino ng Calumpit, Christian Natividad ng Lungsod ng Malolos, Ma. Rosario Sy-Alvarado-Mendoza ng Hagonoy, Ian Marc Marcos ng Paombong, Bartolome Ramos ng Santa, Maria, Elena Germar ng Norzagaray, at Jocell Aimee Vistan-Casaje ng Plaridel.

(ELOISA SILVERIO)

20

Related posts

Leave a Comment