MAHIGIT 2,467 katao o 804 pamilya ang paunang inilikas sa lalawigan ng Quezon habang patuloy na nagbabantang tumama ang Tropical Storm Ramil (international name: Fengshen) sa bahagi ng Calabarzon.
Ayon kay Reyan Derrick Marquez, tagapagsalita ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 4-A, ang mga inilikas ay kasalukuyang nanunuluyan sa mga evacuation centers sa iba’t ibang bayan ng Quezon.
Sinabi naman ni Melchor Avenilla Jr., hepe ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), na nagsagawa ng preemptive evacuation sa mga bayan ng Polillo Island bilang paghahanda sa inaasahang hagupit ng bagyo.
“Kagabi pa tuloy-tuloy ang evacuation operations sa mga coastal at flood-prone areas,” ani Avenilla.
Sa kabuuan, umabot na sa 22,311 indibidwal o 7,884 pamilya sa Calabarzon at Bicol Region ang inilikas bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyo, batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Dagdag pa ni Avenilla, ipinagbawal na ng mga lokal na pamahalaan at ng Philippine Coast Guard ang lahat ng sea travel at water activities sa baybayin ng Quezon.
“Lahat ng pagtawid ng dagat, pati surfing activities, ay mahigpit na ipinagbabawal sa aming lalawigan as of this morning,” aniya.
Samantala, dahil sa malakas na hangin at banta ng pinsala, ipinatupad ang preventive power interruption sa bayan ng Alabat, Quezon, na nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 2, ayon sa 8 a.m. weather bulletin ng PAGASA.
Sa iba pang bahagi ng Calabarzon, katamtamang pag-ulan ang naranasan sa Cavite, habang mahinang ulan naman sa Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon, batay sa ulat ni Marquez.
Paalala sa publiko
Hinimok ng OCD ang mga residente, lalo na sa mga landslide-prone at low-lying areas, na manatiling alerto at agad sumunod sa mga abiso ng local government units (LGUs).
“Monitor natin ang mga weather update, warning, at advisories mula sa NDRRMC at sa mga local councils,” paalala ni Marquez.
“Sa mga lugar na delikado sa landslide, agad mag-evacuate. Alamin ang inyong community evacuation plan at siguraduhing matibay ang inyong bahay.”
Pinayuhan din ng opisyal ang publiko na ihanda ang kanilang ‘go bags’ o survival kits, ilipat sa ligtas na lugar ang mga alagang hayop, at i-turn off ang electrical switches malapit sa pinagmumulan ng tubig upang maiwasan ang sunog o electrocution sa gitna ng bagyo.
“Lumayo sa mga bintana at manatiling kalmado habang patuloy ang malakas na hangin at ulan,” dagdag pa ni Marquez.
(CHRISTIAN DALE)
