NAGTETENGANG-KAWALI si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang itinatag nitong Independent Commission of Infrastructure (ICI) sa panawagan ng sambayanang Pilipino na isapubliko ang imbestigasyon sa anomalya sa flood control projects.
“Ang ICI kaya, kailan? Huwag namang magtengang-kawali ang ICI sa ganitong panawagan,” ani Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima.
Giit ng kongresista, dapat buksan sa publiko ang imbestigasyon para malaman ng taumbayan kung ano talaga ang nangyayari sa loob ng komisyon.
“Kahit araw-araw may press conference ang ICI, kulang pa rin. Gusto ng mamamayan makita kung sino ang iniimbestigahan at kung ano ang mga tanong ng mga Commissioners,” dagdag ni De Lima.
Binanggit din ng mambabatas na suportado na ng Office of the Ombudsman ang desisyon ng Bicameral Conference Committee na gawing bukas sa publiko ang huling pulong hinggil sa 2026 national budget — kaya’t dapat ding tularan ito ng ICI.
Ayon kay De Lima, tila nananatiling tahimik ang ICI habang lumalakas ang panawagan ng mga Pilipinong gustong malaman kung saan napunta ang pondong dapat ay para sa flood control.
Dagdag pa ni De Lima, nagsimula na ang Senado sa pagtalakay ng panukalang lumikha ng mas makapangyarihang komisyon para imbestigahan at parusahan ang mga sangkot sa katiwalian.
“Ang Kamara kaya, kailan gagalaw? Wala pa ring aksyon sa House Bill 4453 na bubuo ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption (CAIC),” tanong niya.
“Ang Pangulo, wala rin bang balak i-certify as urgent ang ganito kahalagang batas? Huwag tayong magbingi-bingihan at maging manhid sa panawagan ng taumbayan,” ayon pa sa kongresista.
(BERNARD TAGUINOD)
