COMELEC HANDANG MAKIPAGTULUNGAN SA ICI

HANDANG makipagtulungan ang Commission on Elections (Comelec) sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay sa isyu ng mga kandidato na tumanggap ng donasyon mula sa mga contractor ng flood control projects ng pamahalaan.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, handa nilang ibigay ang lahat ng hawak nilang ebidensya na makatutulong para mapanagot ang mga kontratista at kandidatong tumanggap ng campaign donations mula sa government contractors.

Ayon kay Garcia, sakaling makapagbigay na ng kumpirmasyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magpapatunay na mga kontratista ng gobyerno ang tumulong sa mga kandidato, handa nilang isapubliko ang impormasyon.

Aniya, agad silang tatalima sa magiging kahilingan ng ahensya na may mandato sa pagsisiyasat sa katiwalian at magsampa ng kaso laban sa mga sangkot.

Paliwanag ng Comelec, kasong kriminal ang kanilang isasampa laban sa mga lalabag sa Section 95(c) ng Omnibus Election Code, at bukas din silang ipagamit ang mga ebidensya sa iba pang ahensya ng pamahalaan para sa posibleng pagsasampa ng kaso o administrative action laban sa mga opisyal ng gobyerno.

Sinabi ng Garcia na 26 government contractors ang posibleng tumulong sa mga kandidato sa 2025 elections, at apat na kasalukuyang senador ang umano’y tumanggap ng campaign donations mula sa mga kontratista ng gobyerno.

(JOCELYN DOMENDEN)

38

Related posts

Leave a Comment