Sa government projects DPWH, PCC AT AMLC LUMAGDA PARA SA TRANSPARENCY

PALALAKASIN pa ng ilang ahensya ang transparency, integridad at accountability sa mga proyekto ng gobyerno, sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Kasunod ito ng pagpasok sa kasunduan ang DPWH, Philippine Competition Commission (PCC), at Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Isinagawa ang Memorandum of Agreement (MOA) signing sa DPWH Central Main Office sa Port Area, Maynila sa pagitan nina DPWH Secretary Vivencio B. Dizon, Undersecretary Ricardo P. Bernabe III, PCC Chairperson Michael G. Aguinaldo, at AMLC Executive Director Atty. Matthew M. David.

Ayon sa DPWH, ito ang kauna-unahang kasunduan ng ganitong uri—isang long-term collaboration na layuning sugpuin ang katiwalian at iregularidad sa mga proyekto ng imprastraktura, partikular sa flood control programs na kamakailan ay nasangkot sa kontrobersiya.

Binigyang-diin ng mga opisyal na ang MOA ay hindi lamang simbolikong hakbang, kundi isang konkretong tugon upang matiyak ang malinis, patas, at tapat na pagpapatupad ng mga proyekto ng pamahalaan.

Layunin ng kasunduan na palakasin ang koordinasyon at palitan ng impormasyon sa pagitan ng tatlong ahensya upang mas madaling matukoy ang anti-competitive practices, money laundering activities, at iba pang anomalya na maaaring makaapekto sa mga proyekto ng imprastraktura.

Ayon sa DPWH, magsisilbing modelo ng transparency at good governance ang partnership na ito sa ilalim ng Bagong Pilipinas campaign, at simbolo ng reporma at pagbabago tungo sa pagpapatatag ng tiwala ng publiko sa mga proyekto ng pamahalaan.

(JOCELYN DOMENDEN)

42

Related posts

Leave a Comment