MULING nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng isang minor phreatomagmatic eruption sa main crater ng Bulkang Taal dakong alas-8:00 nitong Linggo ng umaga.
Ngunit ayon sa Phivolcs, nanatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal, na nangangahulugang nasa mababang antas ng pag-aalburuto at wala pang senyales ng malawakang pagsabog.
Pero nagdulot pa rin ito ng pagkatakot sa mga nakasaksing residente.
Noong Sabado ng hapon, isa ring minor eruption ang naitala dakong alas-5:31 ng hapon.
Ayon sa ulat ng ahensya, ang naturang pagputok ay lumikha ng plume o usok na umabot sa humigit-kumulang 900 metro ang taas mula sa bunganga ng bulkan, batay sa kuha ng kanilang Main Crater IP Camera.
Kasabay nito, tiniyak ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng Talisay, Batangas na patuloy ang kanilang pagsubaybay sa kondisyon ng bulkan gamit ang CCTV live feeds, opisyal na bulletins ng PHIVOLCS, at air quality monitoring upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga residente.
Pinayuhan ng mga awtoridad ang publiko na manatiling mahinahon, iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon, at maghintay lamang sa mga opisyal na abiso mula sa PHIVOLCS, DOST, at MDRRMC Talisay kaugnay sa mga susunod na update hinggil sa aktibidad ng Bulkang Taal.
(NILOU DEL CARMEN)
25
