USAF Doomsday Plane nag-overnight sa NAIA 2 U.S. AIRCRAFTS BUMAGSAK SA SOUTH CHINA SEA

DALAWANG American aircraft, ang MH-60R Sea Hawk helicopter na nakatalaga sa aircraft carrier USS Nimitz (CVN-68), at US Navy F/A-18F Super Hornet fighter, ang bumagsak sa South China Sea nitong Linggo sa magkahiwalay na insidente.

Kinumpirma ng US Pacific Fleet ang pag-crash ng dalawa nilang air asset na unang inilabas ng US Naval Institute’s online news outlet USNI News Linggo ng gabi.

Habang nag-overnight naman sa Ninoy Aquino International Airport ang E4B NightWatch, na kilala bilang United States Air Force (USAF) Doomsday Plane, para umano sa brief technical stop.

Walang kumpirmasyon mula sa US Embassy in Manila kung may kaugnayan sa pagbisita ni US president Donald Trump sa Asya ang pagtigil ng US Air Force Boeing E-4B sa NAIA.

Ayon kay Philippine Air Force spokesperson, Col. Ma. Christina Basco, dumating noong Linggo ang E4B at namalagi sa NAIA para sa “refueling at crew rest”.

Ayon kay Basco, ang nasabing paglapag ng E4B aircraft ay may diplomatic clearance subalit wala umanong relasyon sa anomang official visit ng high-ranking US official.

“The PAF will monitor and assist this diplomatic layover as needed until its departure,” ani Basco na kinumpirmang umalis ito kahapon bandang alas-11:40 ng umaga.

Ang E-4B Nightwatch ay nagsisilbing National Airborne Operations Center, na nagkakaloob ng secure command, control, and communications hub para sa US President, Secretary of Defense, at Joint Chiefs of Staff sa panahon ng national emergencies o sakaling nawasak ang kanilang ground command centers.

Samantala, nangyari ang pagbagsak ng US Navy MH-60R Sea Hawk helicopter, na nakatalaga sa “Battle Cats” ng Helicopter Maritime Strike Squadron (HSM) 73, sa China sea habang nagsasagawa ng kanilang operations mula sa aircraft carrier USS Nimitz (CVN 68).

Sumunod namang bumagsak bandang alas-3:15 ng hapon ang isang F/A-18F Super Hornet fighter na nakatalaga sa “Fighting Redcocks” ng Strike Fighter Squadron (VFA) 22, sa South China Sea habang nagsasagawa ng kanilang operations mula sa Nimitz.

Nangyari ang mga pag-crash habang nasa rehiyon si US President Donald Trump, sa kanyang unang pagbisita sa Asya sa kanyang ikalawang termino, at habang naghahanda si Defense Secretary Pete Hegseth na magsimula rin ng multi-country Asian tour.

Lahat ng tatlong tripulante na sakay ng helicopter ay narekober ng mga search and rescue team. Ligtas namang nakapag-eject ang dalawang piloto ng fighter jet

“All personnel involved are safe and in stable condition,” ayon sa US Navy. “The cause of both incidents is currently under investigation.”

Sa unang bahagi ng taong ito, dalawang US warplanes ang nahulog mula sa US Navy’s Harry S. Truman aircraft carrier habang tumatakbo sa Middle East.

(JESSE RUIZ)

15

Related posts

Leave a Comment