Para masilip bank accounts ng mga ‘kurakot’ POWER NG OMBUDSMAN PLANONG DAGDAGAN

INIHAIN sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magbibigay ng mas malawak na kapangyarihan sa Office of the Ombudsman upang buksan at busisiin ang bank accounts at financial records ng mga opisyal ng gobyerno na iniimbestigahan dahil sa katiwalian.

Nakasaad ito sa House Bill (HB) 5701 na inakda ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima, na layong alisin ang mga legal na hadlang na pumipigil sa Ombudsman na direktang makakuha ng impormasyon sa mga bangko, na sa kasalukuyan ay hawak lamang ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

“The Office of the Ombudsman – the primary authority in the fight against corruption – has to go through the court if it wants to access and examine bank accounts and records. A Supreme Court ruling has hindered the swift investigation of the Ombudsman, as it has practically rendered useless the Ombudsman’s power to issue subpoenas with respect to bank records and accounts,” paliwanag ni De Lima.

Sa ilalim ng HB 5701, aamyendahan ang Section 15(8) ng Republic Act 6770 o The Ombudsman Act of 1989 at Section 2 ng RA 1405 o Law on Secrecy of Bank Deposits, upang payagan ang Ombudsman na diretsong ma-access ang mga bank account ng mga iniimbestigahang opisyal nang hindi na kailangang dumaan sa korte.

Ayon kay De Lima, makatutulong ito para mapabilis ang mga kaso laban sa mga tiwali at magsilbing babala sa mga opisyal ng gobyerno na nagbabalak magnakaw sa kaban ng bayan.

Binanggit din ni De Lima na sa mga kasong may kinalaman sa flood control projects at iba pang anomalya, hindi agad makagalaw ang Ombudsman dahil kinakailangan pa nitong humingi ng pahintulot ng korte bago ma-access ang mga bank records ng mga sangkot.

“Ngayon higit kailanman, kailangang palakasin ang kapangyarihan ng Ombudsman, bilang Tanodbayan, sa pag-iimbestiga sa mga anomalyang ito, lalo pa’t ginagamit ng mga korap ang mga butas sa batas para hindi mabisto at mapagtakpan ang kanilang mga kabulastugan,” ayon pa sa mambabatas.

(BERNARD TAGUINOD)

25

Related posts

Leave a Comment