NATUMBOK ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang drug den matapos ang matagumpay na buy-bust operation sa bayan ng Sibulan, Negros Oriental.
Batay sa ulat na ipinarating kay PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, tatlong drug personalities ang naaresto sa operasyon na kinilalang sina alias “Carl,” 25 anyos, residente ng Purok 4, Brgy. Bolocboloc, Sibulan; alias “Mark,” 19 anyos, residente rin ng Bolocboloc; at alias “John,” 19 anyos, taga-Brgy. Tubtubon, Sibulan.
Matapos ang ilang araw na surveillance, ikinasa ng mga operatiba ng PDEA Regional Office–Negros Island Region, Negros Oriental Provincial Office (PDEA RO–NIR NORPO), katuwang ang PNP Drug Enforcement Group–Special Operations Unit NIR (PNP DEG SOU NIR), ang operasyon sa Purok 4, Barangay Bolocboloc, na nagresulta sa pagkakasamsam ng ilegal na droga at pagbuwag sa mismong drug den.
Nasamsam ng mga awtoridad ang 12 sachets ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang anim (6) na gramo.
Narekober din sa lugar ang buy-bust money, isang improvised glass tooter, anim na basyong sachet na may bakas ng shabu, walong disposable lighters ng iba’t ibang uri, at mga piraso ng aluminum foil strips.
Ang mga naarestong suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, at 12, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(JESSE RUIZ)
67
