‘Di dapat makalusot sa flood scam – solon CLEARANCE KAY ZALDY CO SA HOUSE, NBI HAHARANGIN

INIHAIN ang isang House Resolution ni Kamanggagawa party-list Rep. Elijah “Eli” San Fernando para harangin ang pagbibigay ng “accountability clearance” kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na kasalukuyang nahaharap sa mga kaso kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

Sa House Resolution No. 435, iginiit ni San Fernando na hindi dapat bigyan ng clearance si Co habang may kinakaharap itong mga kaso. Inihain ang resolusyon matapos umano niyang matanggap ang impormasyon na nag-a-apply ng clearance si Co sa Kamara at sa iba pang ahensya ng gobyerno gaya ng National Bureau of Investigation (NBI), kasunod ng kanyang pagbibitiw noong Setyembre 29 bilang kinatawan ng Ako Bicol party-list.

Ayon kay San Fernando, mismong si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang nag-utos kay Co na umuwi upang harapin ang mga paratang, ngunit sinuway umano ito ng dating kongresista.

“Tapos ngayon, mababalitaan natin—eto nga, nag-a-apply ng accountability clearance. Nawawalan at nababahiran ang disciplining power ng House sa mga miyembro nito,” ani San Fernando.

Hindi tinukoy ng mambabatas kung sino ang naglalakad ng clearance sa loob ng Kamara, pero hanggang ngayon ay wala pa ring balita sa pagbabalik ni Co, na umalis ng bansa noong Agosto.

Nagbabala rin si San Fernando na maaaring gamitin ni Co ang clearance bilang depensa kapag nagsimula na ang mga imbestigasyon o paglilitis sa mga kasong inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) laban sa kanya.

“It can be used before the courts or investigation bodies para sabihing walang hold sa kanya ang House kasi binigyan siya ng clearance,” paliwanag ni San Fernando.

Posible rin umanong ipakita ni Co ang clearance bilang patunay na ‘malinis’ siya, dahil kung totoo ang mga paratang laban sa kanya, hindi siya dapat bigyan ng nasabing dokumento ng alinmang ahensya, kabilang ang NBI.

Ang accountability clearance ay karaniwang dokumento na patunay na walang naiwang pananagutan ang isang opisyal o empleyado sa ahensyang kanyang pinagsilbihan bago magretiro o magbitiw sa puwesto.

(BERNARD TAGUINOD)

64

Related posts

Leave a Comment