PINAHAHARANG sa Korte Suprema si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa para hindi umano makalusot sa posibleng pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong Crimes Against Humanity bunsod ng madugong war on drugs noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa inihaing motion for reconsideration (MR) ni Barry Tayam, isang guro at dating kandidato sa Kongreso sa Las Piñas City, kinuwestiyon nito ang umano’y proteksyong ibinibigay ng Senado sakaling tangkain ng ICC o ng Interpol na arestuhin si Dela Rosa.
Ayon sa kanya, hindi dapat gawing “kanlungan” o safe haven ang Senado upang hadlangan ang batas.
“Kahit ilang sibat pa ang iumang laban kay Bato, tila determinado ang Senado na ipagtanggol siya. Pero ang tanong, hanggang saan ang limitasyon ng kapangyarihan nila?” tanong ni Tayam sa kanyang MR.
Matatandaang nagbabala ang ilang senador na hindi sila papayag na maaresto si Dela Rosa sa loob ng Senado, lalo na habang may sesyon. Maging sina dating Senate President Chiz Escudero at Sen. Vicente “Tito” Sotto III ay nagsabing protektado ang mga senador sa nasabing pasilidad.
Si Dela Rosa, na dating PNP chief sa ilalim ng Duterte administration, ay tinaguriang “berdugo” ng kampanya kontra droga dahil sa libo-libong napatay sa mga operasyon ng pulisya.
Bago ang MR, noong Marso pa naghain si Tayam ng Petition for Prohibition laban sa Senado ngunit ibinasura ng Korte Suprema noong Agosto 2025. Sa kabila nito, iginiit ni Tayam na dapat muling silipin ng High Court ang usapin, lalo’t lumalakas umano ang panawagang accountability sa harap ng posibleng arrest warrant mula ICC.
Samantala, nilinaw naman kahapon ng Department of Justice (DOJ) ang legal na proseso sakaling tuluyang maglabas ng warrant ang ICC laban kay Dela Rosa.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, dadaan muna ang ICC warrant sa Department of Foreign Affairs (DFA), bago isumite sa Philippine Center on Transnational Crimes (PCTC), at saka ipapasa sa mga lokal na law enforcement agencies para maisilbi.
Nagsimula ang kontrobersya matapos ihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla noong nakaraang Sabado na lumabas na umano ang ICC warrant laban kay Dela Rosa. Ngunit agad itong itinanggi ng DOJ, na hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na opisyal na dokumento mula sa ICC.
(JULIET PACOT)
76
