DPWH KAKASUHAN ANG KUMPANYA NG KAPATID NI ZALDY CO SA GUMUHONG SEAWALL SA NAVOTAS

SASAMPAHAN ng kaso ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kumpanya na pagmamay-ari ng kapatid ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co kaugnay ng seawall na gumuho sa Navotas City sa kasagsagan ng Bagyong Uwan.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, magsasagawa ang ahensya ng legal na hakbang laban sa Hi-Tone Construction & Development Corp., na pag-aari ni Christopher Co, upang mabawi ang pondo ng pamahalaan at matiyak ang pananagutan ng kontratista.

“Ang gagawin na lang natin, idedemanda na lang natin `yung Hi-Tone Construction dahil hindi lang niya sinira, hanggang ngayon, ilang buwan na ang nakalipas, hindi pa niya pinapagawa,” ayon kay Dizon matapos inspeksyunin ang nasirang dike kasama sina Navotas Rep. Toby Tiangco at Navotas Mayor John Rey Tiangco.

“Kakasuhan natin itong Hi-Tone Construction, para hindi lang ibalik `yung perang gagastusin natin dito. Kailangang managot sila para dun sa nasirang portion ng dike dyan sa Navotas,” dagdag pa ng kalihim.

Ilang linggo matapos itong ma-turn over, bumagsak ang bahagi ng seawall noong Linggo ng gabi, Nobyembre 9, sa kasagsagan ng bagyong Uwan, na nagdulot ng matinding pagbaha sa mga karatig-barangay.

Mahigit 6,000 residente ang napilitang lumikas matapos umapaw ang tubig-dagat at lumubog sa baha ang mga kabahayan sa Barangay Bagumbayan South, kung saan umabot umano hanggang dibdib ang taas ng tubig.

Kabilang ang Hi-Tone Construction & Development Corp. sa Top 15 contractors na pinangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto 2025, na nakakuha umano ng kabuuang ₱100 bilyon — o halos 20 porsyento — ng ₱545-bilyong pondo para sa mga flood control project mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025.

53

Related posts

Leave a Comment