AFP TODO-KAYOD SA RELIEF AT ROAD REPAIR SA MGA SINALANTA NI ‘UWAN’

NGAYONG tuluyan nang lumabas ng Philippine Area of Responsibility ang Super Typhoon Uwan, all hands-on deck ang puwersa ng Armed Forces of the Philippines katuwang ang lahat ng major service command sa clearing, repair at restoration operation sa mga nasalantang lugar na hinagupit ng bagyo.

Ayon kay Col. Francel Margaret Padilla, AFP Spokesperson, katuwang ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya na nasa ilalim ng Office of civil Defense at National Disaster Risk Reduction Management Council, nakatutok sila sa malawakang clearing operations, road and bridge repair support, at restoration of access sa mga komunidad na lubhang naapektuhan.

Patuloy umanong nakikipagkoordinasyon ang AFP sa OCD, DPWH, PCG, PNP, at mga lokal na DRRM councils para siguraduhing mabilis ang pagbubukas ng mga kalsada at pagbabalik ng critical lifelines na kailangan para sa relief at recovery.

“All hands-on deck po ang inyong Sandatahang Lakas ng Pilipinas po dito, 11,017 teams prepositioned for deployment, 427 teams composed of 3,332 personnel; mula soldiers, sailors, airmen and marines plus our force multipliers, our CAAs and our reserve forces ang ngayo’y mobilized na…” ani Col. Padilla.

Bukod sa naka-deploy na 2, 827 land assets, naka-deploy Rin ang kanilang engineering units at heavy equipment, military trucks, at mobility vehicles para sa road clearing, debris removal, at pagtulong sa DPWH sa assessment ng mga nasirang road networks at tulay. Patuloy rin umano ang pagpapadala ng additional land assets sa mga lugar na isolated pa rin.

Samantala, sa hanay ng Philippine Navy, nasa 169 Naval Assets: 169 naval at rubber boats ang naka-deploy.

Ginagamit ngayon ng Philippine Navy ang kanilang mga rubber boats at iba pang sea vessels para sa coastal clearing, paghatid ng relief sa coastal barangays, at pag-access sa mga community na hindi pa madaanan by land dahil sa landslides o damaged roads.

Ikinasa naman ng Philippine Air Force ang kanilang 45 air assets na binubuo ng fixed wing at rotary wing.

Naka-standby at patuloy ang paggamit ng AFP fixed-wing at rotary aircraft para sa aerial assessment, rapid transport ng relief goods, at medical evacuation kung kinakailangan, ani Padilla.

Ginagamit din ang air assets para matukoy ang mga lugar na kailangan ng agarang clearing o engineering support.

Tulong-tulong ang AFP at LGUs sa damage assessment, pag-secure sa evacuation centers, at paghatid ng essential supplies habang sinisimulan na ang repair ng mga kalsada, tulay, at public facilities.

“Habang nagpapatuloy ang paglilinis at pagbangon ng mga komunidad, hinihikayat namin ang lahat na maging maingat, lalo na sa mga lugar na may landslide threats o nasirang infrastructure,” paalala ng AFP sa sambayanan.

“Nais naming ipaalam na naka-full support pa rin ang AFP sa post-typhoon operations. At habang humuhupa na ang sitwasyon, nagpapatuloy ang trabaho ng ating tropa—mula sa paglilinis ng daanan, pag-alis ng debris, hanggang sa pagtulong sa DPWH na maibalik ang koneksyon ng mga kalsada at tulay.”

“Nandito ang AFP—hindi lang sa gitna ng bagyo, kundi pati sa bawat yugto ng pagbangon. Kaagapay ninyo kami, handang tumulong, handang sumaklolo, at handang samahan kayo hanggang tuluyang makabawi ang ating mga komunidad.

“At sa lahat ng apektado, patuloy po kayong mag-ingat habang nagpapatuloy ang clearing at repairs. Kaagapay ninyo ang AFP—tahimik pero palaging naroon—sumusuporta, nagbabantay, at handang kumilos para sa inyong kaligtasan at pagbangon,” dagdag pa ni Col. Padilla.

(JESSE RUIZ)

61

Related posts

Leave a Comment