TINIYAK ng Quezon City government na pinaigting nito ang kampanya laban sa Flu-Like Illnesses (FLI) kasunod ng pagtaas ng mga kaso ng naturang sakit sa lungsod.
Ayon kay Jovit Junio, Disease Surveillance Officer ng City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD) ng QC Health Department, tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng Influenza-Like Illness (ILI) sa lungsod sa mga nakalipas na linggo.
Sa datos ng QCESD na inilabas noong Nobyembre 7, umabot sa 2,606 kaso ng ILI ang naitala sa Quezon City — 87 porsiyentong mas mataas kumpara sa 1,394 kaso sa kaparehong panahon noong 2024.
Pinakamataas ang bilang ng mga kaso sa Batasan at Commonwealth areas, ayon sa ulat.
Kabilang sa mga pinakaapektado ay ang mga bata at kabataang edad 14 pababa, na umaabot sa 1,637 kaso.
Dahil dito, mas pinaigting ng QC Health Department ang surveillance sa mga barangay health centers upang masubaybayan at maagapan ang mga bagong kaso.
Ayon naman kay Dr. Nestor Domagas, focal person for Communicable Disease ng Department of Education – Quezon City, karaniwang tumataas ang mga kaso ng ILI mula Agosto hanggang Oktubre, lalo na tuwing panahon ng tag-ulan dahil sa mas madalas na indoor activities at overcrowding sa mga silid-aralan.
Paliwanag ni Domagas, ang ILI ay karaniwang nakukuha sa droplets mula sa pag-ubo o pagbahing, o sa paghawak sa maruruming bagay — kaya’t mabilis itong kumalat sa mga masisikip na lugar.
Nanawagan si Domagas sa publiko na agad kumonsulta sa doktor o health center kung makararanas ng sintomas ng ILI gaya ng lagnat na 38°C pataas, ubo, at sore throat upang agad na magamot at hindi na makahawa.
“Kung may lagnat sa loob ng 24 oras, huwag munang pumasok sa paaralan o trabaho upang maiwasan ang pagkalat ng sakit,” paalala ni Domagas.
(PAOLO SANTOS)
53
