METRO-WIDE CLEARING OPS IKINASA KONTRA BAHA

IKAKASA ng administrasyong Marcos ang Metro-wide clearing operations na bahagi ng pangakong tuloy-tuloy na kampanya laban sa pagbaha — isang programa na palalawakin sa buong bansa sa ilalim ng “Oplan Kontra Baha.”

Layon ng inisyatiba na linisin at isaayos ang mga ilog, creek, at drainage systems sa Metro Manila na matagal nang barado ng basura at debris, dahilan ng matinding pagbaha tuwing may bagyo.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., “We will continue to do this, first part of the Oplan, until June to July of next year. Even after those nine months, patuloy lang. Regular na ang paglinis. Hindi natin pwedeng tigilan ito.”

Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo matapos niyang pangunahan ang clearing operations sa Balihatar Creek sa Parañaque City.

Pangungunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at mga partner LGUs ang operasyon, na sasaklaw sa 142.4 kilometro ng mga ilog, creek, at estero, at 333.15 kilometro ng drainage systems sa buong Metro Manila.

Ayon pa sa Pangulo, isinama na ng DPWH ang Oplan Kontra Baha sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) upang masiguro na magiging permanenteng all-year-round program ang pagpapanatiling maaliwalas ng mga daluyan ng tubig.

Sabay-sabay na isasagawa ang mga clearing operation sa Valenzuela, Tondo, San Juan, at Las Piñas, kasabay ng panawagan ng Pangulo para sa “whole-of-government and whole-of-nation cooperation.”

Kabilang sa mga dumalo sa paglulunsad ng programa sina DPWH Secretary Vince Dizon, Transportation Secretary Giovanni Lopez, MMDA Chairperson Romando Artes, at mga business leaders na sina Ramon S. Ang ng San Miguel Corp. at Manuel V. Pangilinan ng Metro Pacific Investments Corp.

(CHRISTIAN DALE)

31

Related posts

Leave a Comment