DPWH DAVAO EXECS NAMUMURO SA TECHNICAL MALVERSATION

NAMUMURO sa kasong technical malversation ang mga opisyal ng Davao City District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa mga kwestiyonableng flood control projects sa nasabing lungsod.

Ito ang pahayag ni House committee on public accounts chairman at Bicol Saro Rep. Terry Ridon kaugnay ng dalawang proyekto ng flood control projects na ipinatupad ng Davao City DEO noong 2021.

Ayon sa mambabatas, inireport ng DPWH Davao City DEO na natapos na ang “Construction of Revetment along Talomo River, Sta. 3+817 to Sta. 4+022, Right Bank, Davao City” na hindi napondohan sa 2021 General Appropriations Act gayung ang nabigyan ng pondo ay ang “Construction of Revetment along Talomo River, Sta. 3+880 to Sta. 4+120, Right Bank”.

Ang masaklap aniya, inireport ng Davao City DEO na natapos na ang nasabing proyekto na hindi naman totoo.

“On this basis, the DPWH Davao City District Engineering Office must be held to account not only for incomplete, poorly situated, and unconstructed projects, but also for possible technical malversation,” ani Ridon.

Samantala, kinumpirma rin ng mambabatas na tatlong construction companies ng mga Discaya na kinabibilangan ng St. Timothy Construction, Alpha & Omega General Contractor at YPR General Contractor ang nasa likod ng mga kwestiyonableng proyekto sa lungsod.

Nakakuha umano ang mga ito P240.5 million halaga ng proyekto habang ang Genesis88 Construction naman ang top contractor ng flood control projects sa Davao del Sur na nakakuha ng P635 million na kinabibilangan umano ng mga proyekto na namumuro sa technical malversation case.

Bukod dito, binanggit ni Ridon na ang Genesis88 Construction, na pag-aari umano ni Glenn Escandor, dating presidential adviser on sports ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang top contractor ng flood control projects sa Davao del Sur, na may kabuuang kontratang P635 milyon na pinagdududahan rin sa technical malversation.

Sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., lumobo umano ang kabuuang kontrata ng Genesis88 sa P2.9 bilyon sa unang tatlong taon.

Noong 2018, nasa P300 milyon lang umano ang nakuha nitong proyekto, ngunit pagsapit ng 2022, tumaas ito sa P1.9 bilyon, at nadagdagan pa ng P1.8 bilyon noong 2023.

(BERNARD TAGUINOD)

21

Related posts

Leave a Comment