DPA ni BERNARD TAGUINOD
ISA sa dalawang paraan, ayon kay House Speaker Bojie Dy, para mawala kundi man mabawasan ang katiwalian at magkaroon ng kaunlaran sa bansa at maibalik ang tiwala ng mga tao sa gobyerno, ay ang pagsasabatas ng anti-political dynasty bill na nakasaad sa Saligang Batas.
Ang tanong ngayon ay kung papayag ba ang congressmen at senators na maisabatas nang tuluyan ang panukalang ito dahil hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na 70 percent sa mga miyembro ng Kamara ngayon ay mula sa political families.
Kung ngayong 20th Congress ay 318 ang congressmen, nangangahulugan na halos 223 diyan ang mula sa political families na siyempre pinangunahan nina House Speaker Dy, House Majority Leader Sandro Marcos, mga Duterte at mga Romualdez
Ibig sabihin, 95 congressmen lang ang hindi galing sa political families o walang mga kaanak na nakapwesto sa iba’t ibang elective positions sa gobyerno, na kulang ang bilang para maipasa ang anti-political dynasty bill.
Kahit sa Senado, marami sa kanila ang mula sa political families tulad ng mga Villar, Cayetano, Zubiri, Villanueva, Legarda, Estrada, Sotto, Escudero, Gatchalian at Marcos kaya ang tanong ay kung papayag din ba ang mga ito na isa o dalawa na lamang sa kanilang pamilya ang tatakbo kapag panahon ng eleksyon.
Pero bigyan natin sila ng pagkakataon. Malay natin nagising na sila sa katotohanan na sa tagal na nila sa puwesto, deka-dekada at halos lahat ng elective position sa kanilang probinsya ay may kaanak sila pero hindi umaasenso ang mga tao.
Ang tagal na nilang nagpalitan sa mga puwesto pero sila lang ang umasenso habang naghihirap ang mga tao kaya baka naman nagising na sila sa katotohanan at medyo nakonsensya na kaya papayag na silang magkaroon ng batas na nagbabawal sa political dynasty.
May mga pag-aaral din na maraming lugar o probinsya sa ating bansa na pinamumunuan ng political families, ang mahirap hindi lamang ang kanilang ekonomiya kundi maging ang kalagayan ng mga tao.
Lalo lang umanong lumalala ang katiwalian dahil sa political dynasty kaya baka naman pagbigyan ng congressmen at senators na maipasa ang panukalang ito para sa bayan at sambayanang Pilipino.
Pero kung hindi talaga maipapasa ang panukalang ito eh baka naman kailangang palitan na ang Konstitusyon dahil ito na lamang ang pinaka-epektibong paraan dahil marami sa mga anak ng political families ang gino-groom para pumalit sa kanila kapag matanda na sila.
Sakaling maamyendahan naman ang Saligang Batas ay siguraduhin naman na malinaw ang batas hindi tulad yung mga gumawa ng 1987 Constitution, na ipinagagawa pa sa Kongreso ang batas para maipatupad ang pagbabawal sa political dynasty.
11
