BISTADOR ni RUDY SIM
SUNOG ang baga, sunog din ang bulsa. Ganito ilarawan ng foreign inmates na nakapiit sa kulungan ng Bureau of Immigration, warden facility unit sa Bicutan, ang raket ‘di-umano ng isang mataas na opisyal sa pananamantala sa pagbebenta ng bisyong sigarilyo at alak.
Kung si Samson sa banal na aklat ay nabiyayaan ng pambihirang lakas dahil sa kanyang mahabang buhok ay iba naman ang lakas na taglay nitong opisyal ng BI na dahil naman sa ibinigay na kapangyarihan ng kanyang superior officer ay tila naging bulag-bulagan ang tanggapan ni Kume sa kaliwa’t kanang karaingan ng mga inmate dito kaugnay sa ilegal na negosyo ng opisyal.
Dahil sa mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng alak at sigarilyo sa kulungan ay naisipan umano nitong si alias “Samson” na magnegosyo nito sa mga dayuhang Chinese at Korean nationals. Kada rim umano ng isang Chinese brand ng yosi ay ibinebenta nito ng sampung libong piso at ang imported na alak naman ay halos limang doble ang presyo nito sa labas.
Aba’y tigas din ng pagmumukha ng kumag na ito, ano? Mabuti at nakakayanan ng kanyang sikmura na ipakain sa kanyang pamilya ang kanyang kinikita sa pananamantala ng mga dayuhan. Ito ang masaklap na katotohanan sa buhay ng mga nakapiit sa ating bansa. Kaya’t hindi rin natin masisi kung bakit ganun na lamang ang negatibong epekto nito mula sa ibang bansa sa tingin sa ating mga Pilipino.
Kung ang mayayamang inmates na nakapiit dito ay napipilitang magbayad ng renta sa isang “ice room” na nagsisilbing air-conditioned unit sa mga kwarto nito na kinokotongan ng P30K kada buwan bawat ulo, ay nagiging madalas din dito ang delivery ng yelo na umaabot umano sa 200 sako kada araw. Tila sinusubukan nitong si Samson ang pasensya ng isang bagong deputy commissioner ng BI na si retired AFP Major General Joel Nacnac. Sir, paki-sampulan mo nga.
Ang nakaaawang sitwasyon ng inmates dito ay sana’y mapansin ng ating pamahalaan dahil sa mga sumbong at litrato na ipinadadala sa atin ay makikita kung paano nakararanas ng kalupitan ang mga dayuhan. Ang mga pobre ay halos maghati sa isang rasyon ng kakarampot na kanin at gulay samantalang ang mga may kakayahang magbayad ng kotong sa mga opisyal dito ay nakakakain ng masasarap at nakagagamit din ng gadgets.
Marami na rito ang inmates na ilang taon nang nakakulong at kahit sa simpleng kaso lamang ay hindi napapansin ang kanilang kahilingan na mabigyan ng pansamantalang kalayaan kahit sila’y may pamilya na ating mga kababayan, dahil sa kakapusan sa pera at walang kakayanang magbayad ng kotong. Isang masaklap na katotohanan din na ilan na rito ang namatay dahil sa sakit at mayroon ding mga dayuhang pinatatakas basta’t may pambayad.
Kanino kaya nagbibigay ng Tara itong si Samson sa main office ng BI? Kagaya na lamang sa bulok na sistema sa warden facility na hindi umano pasasakayin sa eroplano ang deportees, na hinoholdap di-umano ng isang Samson at alias “Ivone”, na isang immigration officer na itinapon dito dahil ilang beses nang nahuli sa airport na nagpapalusot ng pasahero.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
199
