Sumusweldo pero ‘di nagtatrabaho – netizens SEN. BATO, WER NA U?

WALA pang balak si Senador Ronald Bato dela Rosa na magpakita sa Senado sa gitna ng sinasabing paglalabas ng warrant of arrest ng International Criminal Court laban sa kanya, bagay na ikinadismaya ng netizens.

Kinumpirma ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian na nagpasabi na sa kanya si dela Rosa na hindi niya madidipensahan ang panukalang 2026 budget ng mga ahensyang kanyang hinawakan bilang vice chairman ng kumite.

Si Dela Rosa sana ang mag-sponsor sa 2026 budget ng Department of National Defense (DND) at ng ibang opisina tulad ng Marawi Compensation Board, Dangerous Drugs Board, Philippine Drug Enforcement Agency, National Intelligence Coordinating Agency at National Security Council.

Sinabi ni Gatchalian na walang ibinigay na dahilan si dela Rosa sa hiling na siya na muna ang humalili sa kanya sa pag-sponsor sa budget ng mga nabanggit na tanggapan.

Ayaw naman mag-speculate o pag-sipan ni Gatchalian na dahil sa balitang pag-aresto ng ICC kaya hindi pa rin nagpapakita si dela Rosa hanggang ngayon.

Maging si Senate President Tito Sotto ay nagsabing hindi tama na absent si dela Rosa sa session gayung kailangan niyang idepensa ang budget ng Department of National Defense, bilang vice chairman ng Senate finance committee.

“Kung hindi mo kaya, hindi mo dapat hiniling na makuha mo yung chairmanship na yun, especially vice chairmanship ng budget, national defense. Napakahalaga e,” ani Sotto.

Kinastigo naman ng mga netizen ang anila’y hindi pagtatrabaho ni Dela Rosa habang patuloy siyang sumusweldo.

“D ba pedeng alisin na sa trabaho yan due to excessive absences?,” ayon sa isang netizen.

“And despite all his absences, he’s still getting full pay. There should be a law that lawmakers don’t get paid when they skip work—just like every private and government employee who actually has to show up.” ayon naman sa isa pa.

Samantala kung si Gatchalian ang tatanungin, hindi rin siya pabor na arestuhin ang sinomang senador sa loob mismo ng gusali ng Senado bilang paggalang sa institusyon at hindi bilang pagbibigay proteksyon sa kanilang kasamahan.

(DANG SAMSON-GARCIA)

10

Related posts

Leave a Comment