‘UTAK’ NG BILYONG BUDGET INSERTIONS ITINATAGO NG DPWH?

ITINURO ni Batangas Rep. Leandro Legarda Leviste ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y nagtatago ng impormasyon hinggil sa mga proponent ng insertions sa 2025 General Appropriations Act (GAA) at maging sa 2026 national budget.

Ayon kay Leviste, hindi isinasapubliko ng DPWH ang database nito ng mga proponent ng National Expenditure Program (NEP) sa kabila ng aniya’y malaking halaga ng insertions na nakapaloob sa pondo para sa susunod na dalawang taon.

“The DPWH has a database of the proponents in the NEP, which they should release if they are truly for transparency. There were P721.83 billion insertions for 2025 and P496.97 billion insertions for 2026, and I cannot in good conscience watch DPWH claim to be for transparency without pointing this out. Sa susunod na presscon ng DPWH, maaari nilang aminin na meron silang itinatago at kargado ang NEP ng insertions hanggang ngayon,” pahayag ng kongresista.

Giit ni Leviste, kaya ayaw ilabas ng DPWH ang impormasyon ay dahil hindi lamang mga kongresista at senador ang nagpanukala ng insertions, kundi pati mga cabinet secretaries, undersecretaries, at iba pang opisyal.

“In fairness to the legislature, hindi lang po Congressman at Senador ang may insertion,” ani Leviste.

Dagdag pa niya, makikita umano sa internal files ng DPWH na maraming proyekto na sinasabing mula sa planning engineers ay aktwal na iminungkahi ng mga politiko o contractors. Tinukoy niya itong katulad ng bicam insertions, ngunit nakatago.

Ipinahayag ni Leviste ang alegasyon kasunod ng pakikipagpulong umano niya sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) noong Nobyembre 18, kung saan tinalakay ang pangangailangan na marekober ang file ni dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral na sinasabing naglalaman ng listahan ng mga proponent ng mga proyekto para sa 2025 at 2026 national budget.

Kasabay nito, iginiit ni Leviste na dapat ilabas ng DPWH ang database at ang listahan ng “Non-Allocable” o “Leadership Fund” projects sa 2026 budget, na hanggang ngayon ay hindi pa rin inilalabas ng ahensya.

“The DPWH has an Allocable budget set at P401.35 billion for 254 congressional districts, which the District Congressman can amend. The rest has been called ‘Non-Allocable’, or ‘Outside Allocable’, and this includes ‘Leadership Fund’ and other parking of funds. In DPWH’s 2025 NEP, this was around P320 billion, and in 2026 was around P95 billion,” ani Leviste.

Binigyang-diin ng mambabatas na mahalagang mabunyag kung sino-sino ang mga proponent na nakapaloob sa database ng DPWH upang matiyak ang transparency sa proseso ng pagbuo ng pambansang badyet.

(BERNARD TAGUINOD)

12

Related posts

Leave a Comment