IPINAKITA ng Philippine National Police ang maayos na koordinasyon at mataas na antas ng kahandaan sa pagdaraos ng Trillion Peso March. Mula Command Center hanggang kalsada, kumilos ang PNP bilang isang organisadong puwersang may malinaw na direktiba at mabilis na tugon.
Sa Command Center, tutok ang mga opisyal sa real-time updates mula sa CCTV feeds at ground units na nakapwesto sa pangunahing lugar ng pagkilos. Tahimik ngunit masinsinan ang operasyon, na sinabayan ng mabilis na pag-aayos ng deployment at pagpapalitan ng impormasyon.
Pinangunahan ni Acting PNP Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang command operations at naglatag ng malinaw na direktiba para sa mga yunit. Ayon sa PNP, ang kalmado ngunit matatag na pamumuno ni Nartatez ang nagbigay ng malinaw na alignment sa kilos ng mga tauhan sa field.
Kasama rin sa Command Center si DILG Secretary Juanito Victor Remulla, na nagpatibay sa koordinasyon sa pagitan ng pulisya at national government agencies. Nakatulong umano ito sa mas mabilis at suportadong pagdedesisyon sa gitna ng operasyon.
Sa ground operations, maayos ang daloy ng trapiko at kontrolado ang police visibility. Agad na naresolba ng mga pulis ang mga minor issues at nagbigay sila ng assistance sa mga motorista at mga kalahok sa programa. Nanatiling mahinahon ang sitwasyon mula simula hanggang pagtatapos ng aktibidad.
Ayon sa PNP, ang ipinakitang disiplina at pagtutulungan ng mga yunit ang naging susi sa maayos na pagpapatupad ng seguridad. Mula Command Center hanggang field operations, sabay-sabay at organisado ang pagkilos ng mga tauhan.
Bilang tugon sa mga inaasahang hamon ng aktibidad, sinabi ng PNP na ang kanilang operasyon noong Linggo ay patunay ng patuloy na kahandaan ng institusyon sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad ng publiko sa ilalim ng pamumuno ni PLTGEN Nartatez.
47
