NANAWAGAN si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa mga Pilipino sa loob at labas ng bansa na agad na ipagbigay-alam sa pamahalaan kung makita nila si Zaldy Co.
“Hiling ko sa lahat ng Pilipino sa buong mundo: kung makita ninyo si Zaldy Co, piktyuran ninyo, ipadala agad, i-post agad sa internet para may ideya ang gobyerno kung nasaan siya,” saad ni Remulla sa press briefing sa Malacañang.
Ayon sa kalihim, pinaniniwalaang nasa Portugal ang dating Ako Bicol representative at posibleng may hawak na Portuguese passport.
“Zaldy Co is believed to be in Europe, suspected to be in Portugal. He is suspected to have a Portuguese passport acquired so many years ago,” aniya.
Tungkol naman sa posibilidad na may golden visa si Co, sinabi ni Remulla na Department of Foreign Affairs (DFA) ang dapat sumagot sa usapin.
Inamin din niya na may “whole-of-government approach” para mahanap at mapauwi si Co, kasama ang DFA, DILG, Office of the Ombudsman, at Department of Justice.
“Style Bulok”
Samantala, pinasaringan ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima si Zaldy Co na tila gumawa lamang ng content sa social media nang maghasik ito ng paratang subalit nagtatago sa pananagutan.
Sa kanyang talumpati sa ikalawang Trillion Peso March noong Linggo, hindi tuwirang binanggit ni De Lima ang pangalan ni Co, ngunit sinabi niyang may mga indibidwal na nagpapahiwatig na hawak nila ang katotohanan ngunit hindi humaharap sa proseso.
“Pero nagtatago naman sa pananagutan. Hindi umuuwi dito. At worse, inaabswelto ang sarili. Tapos ine-expect niya, maniniwala tayo sa lahat ng sinasabi niya? Style-bulok ‘yan,” pahayag ni De Lima.
Dalawang beses nang naglabas ng video message si Co, na binubuo ng tig-tatlong bahagi, kung saan inakusahan niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagpasok umano ng P100 bilyon sa panukalang 2025 national budget, kasama ang umano’y P25 bilyong komisyon na ibinigay kay dating House Speaker Martin Romualdez. Ibinintang din nito na mayroong P50.9 bilyong insertions si presidential son at House Majority Leader Sandro Marcos mula 2022 hanggang 2025, bagay na itinanggi ng mambabatas.
Sa huling video message ni Co, idinawit naman niya si First Lady Liza Araneta-Marcos at kapatid nitong si Martin Araneta sa umano’y smuggling ng bigas at sibuyas.
“Hindi papasa ang mga satsat na hindi kayang panghawakan. Ang katotohanan, pinaninindigan sa tamang lugar. Hindi pang-content lang! Hindi video-video lang!” ani De Lima.
Nagpahayag din ang kongresista ng pagkadismaya sa mabagal umanong pag-usad ng imbestigasyon at pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa flood control corruption scandal.
(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
46
