BIGO pa ring maibenta sa subasta ang dalawang luxury vehicles na pag-aari ng mag-asawang government contractor na sina Curlee at Sarah Discaya kahit pa ibinaba na ang floor price ng high-end units.
Sa isinagawang re-auction nitong Biyernes ng Bureau of Customs, walang bidder na naghain ng alok kaya nabigo na naman ang Aduana na gawing pera ang dalawang sasakyan ng mag-asawang Discaya.
Ang hindi nabentang mga sasakyan ay ang kontrobersyal na Rolls-Royce Cullinan na may signature built-in umbrella at ang 2022 Bentley Bentayga na kabilang sa nakumpiskang luxury vehicles dahil sa anomalya sa likod nito.
Muling binuksan ng BOC sa publiko nitong Biyernes, Disyembre 5, ang public auction sa nakumpiska at nabawing luxury cars ng mag-asawang contractor, sa opisina nito sa Port Area, Manila.
Ipina-auction ng BOC ang apat na luxury cars ng mga Discaya makaraang bigong maibenta sa unang bidding ang lahat ng units.
Tanging tatlong luxury cars lamang ang naibenta sa initial auction noong Nobyembre 20 sa kabuuang halagang P38.21 milyon.
Ayon sa BOC, ang mababang floor price ang nakahikayat ng mas maraming bidder.
Sa auction nitong Biyernes, naibenta ang Toyota Tundra (2022) sa isang single bidder sa halagang P3,480,000. Ibinayad ng RMCE Metal Products Trading Corp. ang full payment.
Samantala, ang Toyota Sequoia (2023) na may floor price na P4,669,554.50 ay naibenta kay Jose Maria Esteban III sa halagang P6 milyon.
Ang mga pondong malilikom ay itu-turnover sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para magamit sa social programs.
Ang pitong sasakyan ay kinumpiska dahil sa kakulangan ng permit, hindi bayad na buwis at kulang na dokumentasyon.
Anim pang luxury vehicles ng mga Discaya ang iniimbestigahan pa kung kulang din ang mga ito sa kaukulang import entries o hindi bayad na buwis.
Ibinaba ng BOC ang floor prices ng Rolls-Royce sa P36 million mula sa P45 million, at P13 million naman ang tag para sa Bentley matapos ang failure of bidding noong Nobyembre 20.
Kaugnay nito, inihayag ni Customs Deputy Chief of Staff Chris Bendijo, mananatili muna sa Aduana ang dalawang sasakyang hindi nabenta kasabay ng pahayag na pinag-aaralan ng ahensiya ang pagtanggap ng direct offers.
“The inclination of Commissioner Ariel Nepomuceno is to convert everything possible to revenue,” ani Bendijo.
“Commissioner Nepomuceno has said, he will not exercise condemnation as a measure,” dagdag pa ng opisyal.
Samantala, tiniyak ng BOC na hindi naapektuhan ng baha ang forfeited Bugatti units ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya.
Ayon kay Deputy Chief of Staff Atty. Chris Bendijo, ligtas ang mga sasakyan at naka-park sa mataas na bahagi sa tapat ng Port of Manila, malapit sa basketball court.
Pinabulaanan din ni Bendijo sa isang panayam, ang kumakalat na mga alegasyong binaha ang luxury cars ng mga Discaya matapos na personal niya itong inspeksiyunin.
Dagdag pa ng opisyal, minadali ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ang pagproseso ng mga nakumpiskang sasakyan upang maiwasan ang depreciation ng mga ito.
(JESSE RUIZ)
3
