INIUUGNAY ng investigative report ng Rappler si Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez sa isang multi-milyong dolyar na bahay sa Cádiz, Spain.
Ayon sa Rappler, ang nasabing ari-arian — na kilala bilang Villa Kabila — ay isang 2,019-square-meter na bahay na may hindi bababa sa 16 kuwarto at malaking swimming pool. Ito’y nakatayo sa dalawang magkadugtong na lote na may kabuuang sukat na 3,976 square meters sa mayamang Sotogrande enclave.
Batay sa mga real estate listing mula 2021 hanggang 2023, ang presyo ng ari-arian ay nasa pagitan ng 6.5 milyon at 6.9 milyong euro, o $7.54 milyon hanggang $8 milyon (₱444.5 milyon hanggang ₱471.8 milyon), bago ito nabili ng Cecil Property PTE Ltd. noong Enero 30, 2024.
Ang Cecil Property PTE LTD ay nairehistro sa Singapore ilang araw lamang bago ang bilihan, o noong Enero 10, 2024.
Matapos ang malalimang imbestigasyon, natuklasan ng Rappler na may malapit na kaugnayan sa Cecil Property ang dalawang indibidwal at isang kumpanya. Ang kumpanyang ito, ang BRAAVOS HOLDINGS OPC, ay isang one-person corporation sa Pilipinas na pinamumunuan ni Jose Raulito E. Paras, senior partner sa law firm na Padernal & Paras, na dating kilala bilang APP Law.
May malalim na ugnayan ang nasabing law firm kay Romualdez, dahil nagsilbi si Paras bilang treasurer ng Media Serbisyo Production Corporation ni Romualdez at naging miyembro ng board ng Benguet Corporation, isang Romualdez-owned na mining company, hanggang 2023.
Ang senior partner na si Edgar Dennis Padernal naman ay nagsilbi sa mga board ng Romualdez-owned na Benguet Corporation at Bright Kindle Resources & Investment bago siya magbitiw noong 2020 at 2024, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, umalis si Jesse Hermogenes T. Andres sa firm noong 2022, bago ang transaksiyon sa ari-arian sa Spain, subalit nanatili pa rin ang kanyang pangalan sa website ng firm hanggang ito ay mag-offline noong unang bahagi ng Enero 2026.
Kilala rin sina Paras, Andres at Romualdez bilang fraternity brothers sa Upsilon Sigma Phi.
Nagsilbi si Andres bilang Undersecretary ng Department of Justice hanggang Disyembre 2025 bago siya itinalaga bilang deputy executive secretary for legal affairs sa Malacañang.
Ang anak ng dating Speaker na si Ferdinand Martin “Marty” Romualdez Jr. ay nakilala bilang isang polo player na madalas lumahok sa mga torneo sa Sotogrande sa pamamagitan ng Calatagan Polo Club.
Si Marty Romualdez ay na-geotag din sa Ayala Polo Club, na matatagpuan 11 minuto mula sa Villa Kabila property. (EG)
14
