Nagtago sa poste habang nanghuhuli LTO CALABARZON NAGLABAS NG SHOW CAUSE ORDER VS VIRAL ENFORCER

NAGLABAS ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) Calabarzon laban sa isang LTO enforcer na naging viral sa social media matapos makuhanan ng larawan habang umano’y nagtatago sa tabi ng poste habang nanghuhuli sa Taytay, Rizal.

Ayon sa LTO Calabarzon, agad ipinag-utos ni Regional Director Elmer J. Decena ang pagsasagawa ng imbestigasyon matapos kumalat ang naturang larawan online.

Sa paunang beripikasyon ng ahensya, nakumpirmang empleyado ng LTO ang nasabing enforcer.

Ang mabilis na aksyon ay alinsunod umano sa direktiba ni LTO Chief Markus Lacanilao na tiyaking ang lahat ng mga kawani ng ahensya ay nagsisilbing huwaran ng propesyonalismo at tapat na serbisyo sa publiko.

Sa inilabas na show cause order, inaatasan ang enforcer na magsumite ng written explanation at ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa posibleng kasong administratibo kaugnay ng insidente.

“Hindi natin kinukunsinti ang anomang kilos na maaaring magdulot ng maling impresyon sa publiko. Ang mga kawani ng LTO ay inaasahang kikilos nang may integridad at malinaw na pagsunod sa mga alituntunin sa pagpapatupad ng batas-trapiko,” pahayag ni RD Decena.

Iginiit ng LTO Calabarzon na ang hakbang ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng ahensya na mapanatili ang tiwala ng publiko at matiyak na patas, malinaw, at naaayon sa pamantayan ng serbisyo publiko ang pagpapatupad ng batas sa kalsada.

(NILOU DEL CARMEN)

59

Related posts

Leave a Comment