MAS MATIBAY NA GLOBAL PARTNERSHIPS MENSAHE NI MARCOS SA 2026 VIN D’HONNEUR

MALUGOD na sinalubong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bagong taon sa pamamagitan ng mensaheng puno ng pag-asa, optimismo, at pasasalamat, kasabay ng pagbibigay-diin sa diplomatic progress ng Pilipinas at sa napipintong papel ng bansa bilang Chair ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong 2026.

Ginawa ang pahayag ng Pangulo sa tradisyonal na vin d’honneur, isang diplomatic gathering na idinaraos tuwing Bagong Taon at Araw ng Kalayaan, na tampok ang pagpapalitan ng toast sa pagitan ng Pangulo ng Pilipinas at ng Papal Nuncio, na nagsisilbing Dean of the Diplomatic Corps.

“I am delighted to welcome you as we usher in 2026, inspired by a renewed sense of hope, optimism, and vitality,” pahayag ni Pangulong Marcos. Aniya, maraming dahilan ang bansa upang ipagpasalamat ang mga nagdaang taon at higit pang dahilan upang maging matatag at optimistiko sa hinaharap.

Binigyang-diin ng Pangulo na sa kabila ng mga pandaigdigang hamon tulad ng economic uncertainty, geopolitical tensions, climate-related issues, at mabilis na technological transformation, patuloy na gumawa ang Pilipinas ng makabuluhang hakbang sa pagbuo ng meaningful at mutually beneficial partnerships.

Kabilang sa mga ito ang pagtatatag ng mga bagong foreign service posts noong 2025, gaya ng embahada sa Suva, Fiji, at consulates general sa Seattle, USA; Busan, South Korea; at Ho Chi Minh City, Vietnam. Para naman sa 2026, inaprubahan ang pagbubukas ng mga embahada sa Astana, Kazakhstan at Accra, Ghana, pati na rin ng consulate general sa Miami, Florida.

“This is a crucial part of our proactive effort to extend our global reach and bring our services closer to the millions of Filipinos living and working overseas,” paliwanag ng Pangulo.

Tinanggap din ng Pangulo ang pagtatatag ng mga bagong embahada sa Maynila ng Peru, Slovak Republic, at Ukraine, at inanunsyo na pormal nang nagtatag ang Pilipinas ng diplomatic relations sa Bhutan, Grenada, at Madagascar noong 2025—isang patunay, aniya, ng commitment ng bansa sa pagpapalawak ng ugnayan sa iba’t ibang rehiyon.

Sa usapin ng ASEAN, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pamumuno ng Pilipinas bilang ASEAN Chair ngayong 2026 sa ilalim ng temang “Navigating Our Future Together.” Inilahad din niya ang tatlong pangunahing prayoridad ng bansa: peace and security anchors, prosperity corridors, at people empowerment.

“These priorities will direct ASEAN’s efforts to strengthen dialogue and cooperation on regional security, deepen economic integration, and uplift the lives of the peoples of ASEAN,” ayon sa Pangulo.

Muli ring pinagtibay ni Pangulong Marcos ang kandidatura ng Pilipinas para sa non-permanent seat sa United Nations Security Council para sa 2027–2028.

“If entrusted with this responsibility, the Philippines will be principled and constructive,” aniya, sabay iginiit ang pagtataguyod ng rule of law, proteksyon sa mga sibilyan, at pagpapalakas ng boses ng maliliit at katamtamang bansa.

Samantala, nagpahayag ng pasasalamat ang Dean of the Diplomatic Corps at Apostolic Nuncio to the Philippines, Most Reverend Charles Brown III, para sa mainit na pagtanggap ng mga Pilipino at pinuri ang paninindigan ng administrasyon laban sa korapsyon.

“We commend you for your denunciation of those who seek to steal the future of Filipinos through corruption,” ayon kay Brown, na nagsabing buong suporta ng diplomatic corps ang kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian.

Binigyang-diin din ni Brown ang kahalagahan ng ASEAN chairmanship ng Pilipinas ngayong 2026 at ang potensiyal nito na maghatid ng “great good” para sa Southeast Asia. Pinuri rin niya ang pagbibigay-pansin ng Pangulo sa artificial intelligence, lalo na sa pagsusulong ng ligtas, etikal, at responsableng paggamit nito upang palakasin ang kalakalan, digitalization, at inklusibong paglago sa rehiyon.

(CHRISTIAN DALE)

59

Related posts

Leave a Comment