WALANG pinagkaiba sa ‘ghost projects” ang renewable energy company ni Batangas Rep. Leandro Leviste kung totoong hindi nito naideliber ang kontrata at sa halip ay pinagkakitaan lamang matapos umano niya itong ibenta.
Ito ang pahayag ni administration Congressman Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur kaya hindi aniya dapat isantabi ang nasabing isyu at sa halip ay imbestigahan ito sa House committee on franchises para magkalinawan.
Noong 2019 ay binigyan ng prangkisa ang kompanya ni Leviste na Solar Para sa Bayan Corp. (SPBC) kung saan nangako ito na magdedeliber ng 12,000 megawatt na kuryente subalit hindi ito natupad kaya pinatawan ito ng Department of Energy (DOE) ng P24 bilyong multa.
Lumutang ang isyung ibinenta ni Leviste ang nasabing kumpanya bagay na itinanggi nito dahil tanging ang SP New Energy Corp. (SPNEC) na walang prangkisa ang kanya raw ibinenta sa Meralco at hindi ang SPCB.
Subalit nais ni Adiong na magkaroon pa rin ng malalimang imbestigasyon dahil kung totoo ang alegasyon ay wala aniyang ipinagkaiba ito sa ghost projects.
“Pero sa akin, pag binenta mo ‘yan dahil tatakasan mo lang, anong pinagkaiba nyan sa mga ghost projects na merong obligasyon ka na dapat gawin tapos tinakasan mo? So walang pinagkaiba,” ani Adiong.
Sa ngayon ay wala pa aniyang nakahaing resolusyon sa nasabing komite na pinamumunuan ni Negros Occidental Rep. Jeffrey Ferrer para imbestigahan ang SPBC ni Leviste at kung magmo-motu proprio investigation ang komite ay kailangan muna ang go signal ng liderato ng Kamara.
Subalit kay Adiong, maraming ordinaryong mamamayan ang nais na maimbestigahan ang prangkisa ni Leviste para malaman kung may paglabag ito o wala.
“Well, unang-una … ang grant of franchise is not a right, it’s a privilege granted to the one that is being given this franchise. So ibig sabihin, it’s a state right … hindi mo pupwedeng ibenta,” paliwanag ni Adiong.
(BERNARD TAGUINOD)
42
