PASASALAMAT AT PAG-ASA MENSAHE NI VP SARA SA PAGDIRIWANG NG ATI-ATIHAN

NANAWAGAN si Vice President Sara Duterte sa publiko na ipagdiwang ang Ati-Atihan Festival sa Kalibo, Aklan nang may pasasalamat at pag-asa para sa masaganang hinaharap.

Sa isang kalatas, sinabi ni VP Sara na ang Ati-Atihan ay higit pa sa masiglang musika at makukulay na kasuotan, sapagkat sinasalamin nito ang pananampalataya, katatagan, at pagkakaisa ng mga Pilipino.

“Sa paggunita natin sa inyong mayamang kultura at tradisyon, nawa’y baunin nating lahat ang diwa ng inyong selebrasyon: ang walang humpay na pasasalamat at ang pag-asa para sa mga masaganang bukas,” ayon kay VP Sara.

Ang Pistang Ati-Atihan ay isang taunang pagdiriwang na ginaganap tuwing Enero bilang parangal sa Santo Niño sa ilang bayan sa lalawigan ng Aklan sa isla ng Panay. Ang pinakamalaking selebrasyon ay idinaraos tuwing ikatlong Linggo ng Enero sa bayan ng Kalibo, ang kabisera ng lalawigan.

Ang salitang Ati-Atihan ay nangangahulugang “tularan ang Ati,” ang katutubong tawag sa mga Aeta, na itinuturing na mga unang nanirahan sa Panay at iba pang bahagi ng kapuluan.

Sa simula, ang pista ay isang paganong pagdiriwang na nag-ugat sa Palitan ng Panay, kung saan tinanggap ng mga Aeta ang mga Borneanong tumakas mula sa malupit na pinuno kapalit ng pahintulot na manirahan sa kanilang lupain. Bilang pagpapakita ng pasasalamat at pakikipagkaibigan, nagsayaw at tumugtog ng musika ang mga Borneanong at pininturahan ang kanilang mga katawan ng uling upang tularan ang maitim na balat ng mga Ati.

Kalaunan, binigyan ng simbahan ng Kristiyanong kahulugan ang pagdiriwang, na sumasagisag sa pagtanggap ng Kristiyanismo sa pamamagitan ng prusisyon ng imahe ng Santo Niño.

(CHRISTIAN DALE)

57

Related posts

Leave a Comment