DALAWANG babaeng testigo ang humarap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa sinasabing ugnayan ni dating House Speaker Martin Romualdez sa kontraktor na si Curlee Discaya.
Sa pagharap ng mga testigong itinago sa alyas na Maria at Joy, itinuro nila si Discaya na kanilang nakaharap nang sila ay in-evict na sa tinutuluyan nilang bahay sa No. 30 Tamarind South Forbes Park, Makati City.
Ikinuwento ng mga testigo na tauhan sila ni Rico Ocampo, ang dating tenant sa bahay na sinasabing nabili ni Romualdez at nagsilbing front si Discaya.
Sinabi ng dalawang testigo na nakaharap nila si Discaya noong panahong pinapaalis na sila at nakikiusap sila sa broker na si TJ Contina na bigyan pa sila ng palugit.
Itinanggi naman ni Discaya ang alegasyon at iginiit na hindi pa siya nakapapasok sa naturang subdivision kasabay ng hiling na alisin ang face mask ng dalawang testigo.
Hindi naman ito pinayagan ni Senador Panfilo Lacson at iginiit na walang karapatan si Discaya na kilalanin ang mga testigo at sinabing ang na-establish nila ngayon ay nagpunta sa bahay ang contractor at sinabing si Romualdez ang bagong may-ari ng property.
Lumabas din sa pagdinig na vendee sa property ang Golden Pheasant Holding Corporation na ang major stockholder ay isang nagngangalang Paras.
(DANG SAMSON-GARCIA)
53
