PRIBILEHIYO, PANANAGUTAN AT ANG MULTO NG “GHOST PROJECT”

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA isang bansang patuloy na naghahangad ng maaasahang suplay ng enerhiya, hindi maaaring balewalain ang anumang alegasyong bumabalot sa mga prangkisang ipinagkaloob ng estado—lalo na kung ang sangkot ay isang renewable energy company na may basbas ng pamahalaan.

Ang pahayag ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ay muling nagbukas ng mas malalim na usapin: hanggang saan ang pananagutan ng mga binigyan ng pribilehiyo ng gobyerno?

Hindi ito usapin ng pulitika, gaya ng malinaw na diin ng mambabatas. Ito ay usapin ng prinsipyo. Kapag ang isang prangkisa ay ibinigay ng estado, hindi ito simpleng karapatan kundi isang tiwala—isang kasunduang may kaakibat na obligasyon sa taumbayan.

Ang babala ni Adiong na ang umano’y pagbebenta o pagtalikod sa mga obligasyong kaakibat ng prangkisa ay maihahalintulad sa isang “ghost project” ay hindi dapat maliitin. Ang ghost project ay simbolo ng kabiguang tuparin ang pangako, ng paggamit ng pondo o pribilehiyo na walang malinaw na pakinabang sa publiko.

Kung mapatutunayang may mga proyektong hindi naisakatuparan matapos makuha ang pahintulot ng gobyerno, lalabas ang mas masakit na tanong: ginamit ba ang prangkisa bilang daan lamang sa kita, at hindi bilang instrumento ng serbisyo? Ito ang dapat linawin—hindi sa haka-haka, kundi sa masusing imbestigasyon.

Mahalaga ring igiit ang sinabi ni Adiong na ang prangkisa ay hindi maaaring basta ipasa, ibenta, o ilipat na parang ordinaryong ari-arian. Ang kapangyarihang magbigay nito ay nagmumula sa estado, at ang estado—sa pamamagitan ng Kongreso—ang may karapatang tiyakin kung sino ang karapat-dapat humawak nito.

Maliwanag sa batas na anumang merger, bentahan, o paglilipat ng controlling stocks ay dapat ipaalam muna sa Kongreso. Hindi ito simpleng teknikalidad. Ito ang mekanismo upang masigurong hindi nababago ang kakayahan, pananagutan, at intensyon ng may hawak ng prangkisa.

Kapag nagbago ang may kontrol sa isang kumpanya, nagbabago rin ang mukha ng pananagutan. Sino ang mananagot kapag pumalpak ang proyekto? Sino ang hahabulin kapag may hindi nabayarang obligasyon? Ito ang mga tanong na hindi kayang sagutin ng corporate layering at sunod-sunod na subsidiary.

Lalong tumitimbang ang usapin sa gitna ng alegasyon ng hindi umano nabayarang bilyong pisong obligasyon sa gobyerno. Kung may P24 bilyon mang pananagutan, gaya ng binanggit, hindi ito maliit na detalye. Ito ay salaping dapat sana’y nagsilbi sa bayan.

Ang pagdami ng subsidiary, merger, at transfer ay maaaring legal sa papel, ngunit kung nagiging dahilan ito upang malabo ang pananagutan, nararapat lamang na magtaas ng kilay ang mga mambabatas. Ang transparency ay hindi opsyon, ito ay tungkulin.

54

Related posts

Leave a Comment