MAGUINDANAO DEL SUR – Walong iba’t ibang high-powered firearms ang isinurender sa Philippine Army-1st Mechanized Infantry Battalion (1MechBn), mula sa iba’t ibang barangay ng Datu Anggal Midtimbang (DAM) sa lalawigan, na bahagi ng tuloy-tuloy na kampanya ng Joint Task Force Central (JTFC) laban sa loose firearms.
Ayon kay Lt. Col. William G. Sabado, ang Acting Commanding Officer ng 1MechBn, ang pagsuko ng mga baril ay naging matagumpay sa tulong ng mga lokal na opisyal at mga residente ng mga barangay sa nasabing bayan, bilang bahagi ng kanilang pagsuporta sa Small Arms and Light Weapons Management Program (SALWMP), isang programa na naglalayong sugpuin ang ilegal na pag-aari ng armas at matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad.
Kabilang sa isinukong mga armas ay ang mga sumusunod: isang Mortar, 60mm; isang Rocket Propelled Grenade; isang Rifle, 7.62mm M14; isang Rifle, 7.62mm; isang Grenade Launcher, 40mm M203 at tatlong Grenade Launchers, 40mm M79.
Ang mga armas ay pormal na tinanggap ni Brigadier General Edgar L. Catu, Brigade Commander ng 601st Brigade, sa isang seremonya na isinagawa sa Municipal Hall ng Barangay Adaon, Datu Anggal Midtimbang, na sinaksihan din ni Mayor Nathaniel S. Midtimbang.
Ayon kay Brig. Gen. Catu, “Ang pagsuko ng mga armas ay isang malinaw na patunay ng matinding kooperasyon ng mga komunidad sa ating laban kontra ilegal na armas. Layunin ng ganitong hakbang na mapangalagaan ang kapayapaan at seguridad ng bawat pamilya sa Maguindanao del Sur.”
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, commander ng 6th Infantry Division at JTFC, “Ang matagumpay na pagsuko ng mga sandata ay isang malaking tagumpay para sa ating seguridad.”
“Ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan, pati na rin ang kooperasyon ng mga mamamayan, ay nagsisilbing inspirasyon sa iba pang mga komunidad. Patuloy ang ating panawagan sa may hawak pa ng mga ilegal na armas na isuko na ito sa ating pamahalaan upang matiyak ang isang mas ligtas at mas maayos na Central Mindanao.”
(JESSE RUIZ)
47
