PINANGUNAHAN ni Senator Risa Hontiveros ang paglulunsad ng Paghilom Lakbay Museo sa Senado sa Pasay City, tampok ang photo exhibit na naglalarawan ng mga biktima ng extra-judicial killings (EJK) at kanilang mga pamilya mula 2016 hanggang 2022—bahagi ng adbokasiya ng senadora na itaguyod ang katarungan at suporta para sa mga biktima. Kasama sa larawan sina Senator Bam Aquino, Father Flavie Villanueva, forensic pathologist Dra. Raquel Fortun, at Randy delos Santos. (DANNY BACOLOD)
IKINAINIS ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte ang pagkilala ng Senado sa mga biktima ng extra-judicial killings (EJK) kaugnay ng war on drugs ng kanyang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte.
“What we are witnessing inside the halls of the Senate today is not remembrance—it is selective mourning and convenient amnesia,” pahayag ni Duterte.
Noong Lunes, pinangunahan nina Senators Risa Hontiveros at Bam Aquino ang paglulunsad ng Paghilom Lakbay Museo, isang travelling museum na tampok ang mga alaala, larawan at personal na gamit ng mga biktima ng EJK at kanilang mga pamilya.
Para kay Rep. Duterte, hindi makatarungan ang ganitong pagkilala habang umano’y binabalewala ang sinapit ng SAF-44 na nasawi sa engkwentro sa Mindanao noong 2015.
“They grieve loudly for criminals, yet remain eerily quiet about the real victims of drugs,” ani Duterte, sabay giit na mas dapat kilalanin ang mga pulis na araw-araw na nagbubuwis ng buhay laban sa kriminalidad at terorismo.
“Where is the Senate’s outrage for the innocent? This is not about human rights—this is about politics. This is not about justice—this is about rewriting history,” dagdag pa niya.
Ang war on drugs ng dating Pangulong Duterte ang naging batayan ng kasong crime against humanity sa International Criminal Court (ICC), dahilan upang ito’y makulong sa The Hague, Netherlands.
Depensa pa ni Rep. Duterte, ang kampanya kontra droga ay tugon sa matagal nang kapabayaan at katiwalian na sumira sa mga komunidad sa bansa.
(BERNARD TAGUINOD)
11
