HINDI umano pipilitin ng House committee on justice na dumalo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa impeachment proceedings, bagama’t iimbitahan siya bilang respondent.
Target ng komiteng pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville Luistro na simulan sa Pebrero 2 hanggang 4 ang pagdinig sa dalawang impeachment complaint na inihain laban sa Pangulo, na posibleng pagsamahin.
Unang tutukuyin ng komite kung sufficient in form ang mga reklamo, bago naman suriin ang sufficiency in substance. Kapag nakumbinsi ang mga miyembro, aatasan ang mga complainant na isumite ang lahat ng ebidensya laban sa respondent.
Ayon kay Luistro, sa ikaapat na yugto ay isasagawa ang hearing proper kung saan iimbitahan ang mga complainant, kanilang mga testigo, at maging ang respondent.
Aniya, ang respondent ang magpapasya kung dadalo o hindi sa pagdinig. Kung pipiliin umano ng Pangulo na hindi sumipot, ito ay ituturing na waiver ng kanyang karapatang dumalo bilang bahagi ng due process.
Matapos ang mga pagdinig, magpapasya ang komite kung may probable cause ang reklamo at gagawa ng committee report na ihaharap sa plenaryo. Kailangan ang boto ng isang-katlo ng Kamara, o 106 na mambabatas, upang maakyat ang kaso sa Impeachment Court.
Samantala, ayon kay National Unity Party (NUP) Chairman at Deputy Speaker Ronaldo Puno, hindi umano malalim ang mga ebidensyang inihain ng mga complainant, bagama’t iginiit niyang dapat pa rin itong suriing mabuti.
Sa panig naman ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, binalewala niya ang pahayag ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na maaapektuhan ang ekonomiya at serbisyo ng gobyerno sa impeachment.
Ani Tinio, mas mainam na harapin ng Malacañang ang mga alegasyon. Dagdag pa niya, ang korupsyon at kawalan ng pananagutan ang tunay na nakasasama sa ekonomiya, at ang impeachment ay isang mekanismo ng pananagutan na hindi dapat hadlangan.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang Malacañang kung dadalo ang Pangulo sakaling imbitahan siya ng komite.
Gayunpaman, tiniyak ng Palasyo na rerespetuhin ng Pangulo ang proseso alinsunod sa Saligang Batas, at handa ring magsumite ng mga dokumento kung hihilingin ng komite.
Ayon kay Usec. Castro, magpapatuloy ang Pangulo sa pagtatrabaho para sa kapakanan ng mga Pilipino at hindi magiging hadlang ang impeachment. Naniniwala rin ang Palasyo na ang paghahain ng impeachment laban sa Pangulo ay maituturing na pag-atake sa administrasyon, na maaaring makaapekto hindi lamang sa punong ehekutibo kundi pati sa bansa at ekonomiya.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
10
